Ganti (23)

EPEKTIBO ang na­isip ni Edel na pag­babago sa pack­aging ng kanilang produkto sapagkat lalong naging ma­benta. Humanga si Lorena sa talino ng anak. Akalain ba niyang ang anak niyang wala pang kamuwangan sa larangan ng negosyo ay maiisip ang ga­noon. Kung siya lang, tama na ang dating packaging na ang asawang si Noli pa ang may ideya. Para sa kanya, basta masarap ang pagka­ing tinitinda, marami ang bibili. Pero sa na­isip ni Edel, mahalaga pala talaga ang kober ng produkto. Kaila­ngang maganda ang presentasyon para makaakit ng kustomer.

“Ang husay mo na­man, Edel,” sabi niya sa anak at tinapik-tapik sa balikat.

“Palagay ko ’Ma dapat hindi lang iisa ang produkto mo. Si­guro dapat mag-aral ka na rin kung paano ga­gawa ng hamburger, ham, hotdog at iba pa.”

Nag-isip si Lorena. Bakit nga hindi?

“Yung kasing na­basa kong story ng isang matagumpay na negosyante, hindi lang siya sa iisang produkto nag-focus. Una raw na ginawa ng negosyante ay isang simpleng hopia lang pero naisip daw niya kailangang may mabago sa kan­yang produkto. Kaya naisip niya na gumawa ng ube hopia. Pagka­tapos ng ube e sinu­bukan naman niya na gumawa ng hopia na may pandan at kung anu-ano pa ang na­isipan. Ang yaman na ng Intsik na yun ’Ma. Dahil lang yun sa hopia. Pagkatapos kong basahin yun e naisip ko puwede rin tayong maging milyo­naryo sa pamamagitan ng ating produktong longganisa…”

Hangang-hanga si Lorena kay Edel. Ma­raming ideya ang kan­yang anak. Batambata pa pero bumubukal na ang magagandang ideya sa negosyo. Pa­ano pa kung maka­tapos ito ng kolehiyo? Baka lalo pang du­mami ang nala­laman.

“Kapag napalago pa natin ang ne­gosyo Mama, kaya na nating kalabanin ang mga Intsik dito sa atin. Hindi lang sila ang puwedeng yumaman, tayo rin…”

Lihim na napa­luha si Lorena. Pero pinigil niya iyon. Ayaw niyang makita ni Edel na lumuluha siya.

“Kaya nating uma­­senso, Mama. Hindi na kailangang mag­paalila para la­mang mabuhay…”

Nahihiwagaan si­ya kay Edel.

(Itutuloy)

Show comments