Ganti (23)
EPEKTIBO ang naisip ni Edel na pagbabago sa packaging ng kanilang produkto sapagkat lalong naging mabenta. Humanga si Lorena sa talino ng anak. Akalain ba niyang ang anak niyang wala pang kamuwangan sa larangan ng negosyo ay maiisip ang ganoon. Kung siya lang, tama na ang dating packaging na ang asawang si Noli pa ang may ideya. Para sa kanya, basta masarap ang pagkaing tinitinda, marami ang bibili. Pero sa naisip ni Edel, mahalaga pala talaga ang kober ng produkto. Kailangang maganda ang presentasyon para makaakit ng kustomer.
“Ang husay mo naman, Edel,” sabi niya sa anak at tinapik-tapik sa balikat.
“Palagay ko ’Ma dapat hindi lang iisa ang produkto mo. Siguro dapat mag-aral ka na rin kung paano gagawa ng hamburger, ham, hotdog at iba pa.”
Nag-isip si Lorena. Bakit nga hindi?
“Yung kasing nabasa kong story ng isang matagumpay na negosyante, hindi lang siya sa iisang produkto nag-focus. Una raw na ginawa ng negosyante ay isang simpleng hopia lang pero naisip daw niya kailangang may mabago sa kanyang produkto. Kaya naisip niya na gumawa ng ube hopia. Pagkatapos ng ube e sinubukan naman niya na gumawa ng hopia na may pandan at kung anu-ano pa ang naisipan. Ang yaman na ng Intsik na yun ’Ma. Dahil lang yun sa hopia. Pagkatapos kong basahin yun e naisip ko puwede rin tayong maging milyonaryo sa pamamagitan ng ating produktong longganisa…”
Hangang-hanga si Lorena kay Edel. Maraming ideya ang kanyang anak. Batambata pa pero bumubukal na ang magagandang ideya sa negosyo. Paano pa kung makatapos ito ng kolehiyo? Baka lalo pang dumami ang nalalaman.
“Kapag napalago pa natin ang negosyo Mama, kaya na nating kalabanin ang mga Intsik dito sa atin. Hindi lang sila ang puwedeng yumaman, tayo rin…”
Lihim na napaluha si Lorena. Pero pinigil niya iyon. Ayaw niyang makita ni Edel na lumuluha siya.
“Kaya nating umasenso, Mama. Hindi na kailangang magpaalila para lamang mabuhay…”
Nahihiwagaan siya kay Edel.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending