Ganti (21)
KABISADO na ni Lorena ang kanilang negosyong longganisa at pati na rin ang pamamahala sa kanilang lansonesan kaya nang mamatay si Noli, hindi siya nahirapan. Malaki ang naitulong nang laging sinasabi sa kanya ni Noli noon ukol sa pagnenegosyo, kaila-ngan daw maging matiyaga. Ang lahat daw nang mga matatagumpay na negos-yante ay naging matiyaga. Sabi pang matahalinhaga ni Noli sa kanya: “Ang imperyo ng Roma ay hindi naitatag sa loob ng tatlong araw lamang.” Hindi niya alam ang kahulugan ng sinabi ng asawa dahil hindi naman siya nakapag-aral pero unti-unti rin niyang nalaman. Pagtitiyaga ang susi sa lahat nang bagay. Sa anumang negosyo kung walang tiyaga, hindi ito uunlad. Sabi pa ni Noli maski nga raw sa pananalangin ay kailangan din ang pagtitiyaga. Nagbanggit din ito ng passage sa Bibliya kung saan isang biyuda ang matiyagang nananalangin na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak. Ang ginawa ng biyuda ay walang tigil sa paglapit sa hukom. Kinulit niya nang kinulit ang para madesisyunan ang kaso. Dahil sa kanyang matiyaga at walang sawang paglapit at pangungulit inilabas ng hukom ang desisyon at nabigyan ng hustisya ang anak.
Ang mga itinuro at magagandang halimbawa na ibinigay sa kanya ni Noli ay lubusan niyang sinunod. Kaya nang mawala sa kanyang piling ang pinakamamahal na asawa ay hindi siya nahirapang paunlarin ang negosyong iniwan sa kanya. Mas lalo pa nga siyang naging maparaan, masikap at matiyaga at higit sa lahat may tiwala sa Diyos na siya ay tutulungan.
Ang LORENA’S skinless longganisa ay naging bukambibig hindi lamang sa Nagcarlan kundi sa mga karatig na bayan. Pasalin-salin lamang sa bibig kaya kumalat nang kumalat ang tungkol sa pinakamasarap at may kalidad na longganisa. Dinadayo ang kanyang produkto. May gustong bumili nang maramihan para iluwas sa Maynila. Minsan, isang may-ari ng isang grocery store sa Makati ang umorder sa kanya nang maraming skinless longganisa. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa sila nang maraming longganisa. Sabi nang may-ari ng grocery, hinahanap daw ng mga customer niya na pawang mga empleado sa Makati. Malapit kasi ang grocery niya sa isang opisina at paglabas ng mga empleado sa hapon ay bumibili sa kanya. Pambaon daw at masarap ding ulam sa umaga. Pinuputakti raw ng mga empleado kaya madaling maubos. Iyon daw ang dahilan kaya siya bumili nang maraming skinless longganisa.
Kahit busy si Lorena sa kanyang negosyo ay hindi naman niya napapabayaang ang kanyang anak na si Edel. At habang lumalaki, napapansin niya na nagkakaroon ito ng hilig at interes sa kanilang negosyo.
Kapag may bumibili sa kanilang tindahan, si Edel na ang nagsusukli at nag-aabot ng order na skinless longganisa. Siguro’y dahil laging nakikita na iyon ang kanilang pinagkakakitaan kaya madaling natuto. Noon ay nag-aaral na sa isang mahusay na school si Edel. Matalino. Iyon ang gusto ng kanyang namayapang asawa, ang mapag-aral sa mahusay na school ang anak. (Itutuloy)
- Latest
- Trending