Ganti (18)
MULA nang mamatay ang mag-asawang Erning at Delia ay hindi na nakadalaw sina Lorena at Noli sa bahay ng mga ito. Ang huling balita nila ay pinaupahan na lang daw ng mga anak ang bahay. Natatandaan ni Lorena, sinabi sa kanya ni Aling Delia na ayaw nilang pauupahan ang bahay. Ma-laki raw ang paghihirap nila sa bahay na iyon bago nila naging sarili. Pero ano pa ba ang magagawa gayung patay na ang mag-asawa. Wala nang makakatutol pa sa desisyon ng mga anak. Baka nga ipagbili pa iyon.
“Sayang ang pagod ng mag-asawa ano, Noli?”
“Oo. Kaya kapag lumaki itong si Edel sabihin mo na alagaan ang negosyo natin. Pati itong bahay na ito ay huwag niyang ipagbibili. Sabihin mo malaki ang hirap dito ng kanyang papa.”
Nagtawa raw si Lorena sa sinabi ni Noli.
“Para ka namang mawawala. Ako pa ang magsasabi e di ikaw na lang.”
“Mabuti na yung nasasabi ko na sa’yo. Malay mo, bigla akong mawala. Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo rito. ”
“Ay naku ayaw ko ngang pag-usapan ang ganyan, Noli. Iba na nga lang ang pag-usapan natin.”
“Eto naman napakamatampuhin. Sige na nga magkuwentuhan tayo tungkol sa magiging kinabukasan ni Edel. Gusto ko maging abogado yan o doctor. Pag-abogado na ‘yan, siguro e ang yabang ko. Ipagyayabang ko sa mga kaibigan ko na may anak akong lawyer. At kung siya naman ay magiging doctor, naku e di lalo nang na- mamayagpag ang pakpak ko sa yabang. Kayang-kaya naman nating pag-aralin yan. Marami tayong ipon.”
Si Lorena naman daw natahimik. Napansin daw ni Noli ang pagtahimik ni Lorena.
“O ba’t ka natahimik?”
“Wala. May bigla lang akong naisip.”
“Ano ‘yun?”
“Siguradong pag nagkaisip na si Edel o kapag nag-aaral na, tiyak na marami siyang itatanong sa akin. Tiyak ko, itatanong niya kung bakit siya singkit at kung bakit siya maputi o manilaw-nilaw ang balat.”
Natigilan si Noli. May katwiran si Lorena. Paano niya sasagutin ang mga tanong?
“Sasabihin ko ba, Noli sa kanya na siya ay…”
“Anak ng Intsik?” tanong ni Noli.
Tumango si Lorena.
“Huwag mong sasabihin na ang ama niya ay Intsik,” sabi ni Noli. “Mag-imbento ka ng sasabihin sa kanya…”
“Paano kung malaki na siya at magtanong. Paano ang gagawin ko?”
“Saka mo sabihin kapag may sapat na siyang pag-iisip. Ipagtapat mo ang lahat nang nangyari sa iyo noon na minaltrato ka…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending