MASIPAG namang “gumawa” si Noli pero talagang ayaw makabuo. Binibiro nga ni Lorena ang asawa na baka dahil masyadong matagal bago ito mag-asawa ay nabugok na.
“Baka naman lumabnaw na, Noli,” sabi niyang nagtatawa.
“Hindi lang natin mati-yempuhan, Lorena. Pero kung minsan ay nag-iisip na rin ako. Kasi’y noon daw binatilyo pa ako, ayon kay Inay ay nagkabeke ako. Di ba kapag nagkabeke raw ay nababaog…”
“Ewan ko. Siguro ang maganda ay magpa-checkup ka para malaman.”
“Ayaw ko Lorena. Takot akong malaman ang katotohanan. Hayaan mo na lang kung hindi tayo magkaanak andiyan naman si Edel.”
“Siguro ay pagod ka lang kaya hindi makabuo. Kasi’y masyado nang sikat ang skinless longganisa mo kaya hindi na makapag-relaks.”
“E di magrelaks tayo. Punta tayo sa Baguio. Nakarating ka na ba ron, Lorena?”
“Hindi pa. Eto pa nga lang Nagcarlan ang naabot ko mula nang mapadpad sa Maynila.”
“Kung ganoon, punta tayong Baguio.”
Nagtungo sila roon. Hinayaan munang walang kitain sa longganisa. Baka doon makatiyempo.
Pero wa epek din. Baog nga yata si Noli.
Ilang buwan ang nakalipas, namatay si Mang Er-ning. Atake sa puso. Malungkot na malungkot sina Lorena at Noli. Lalo si Lorena na higit pa sa ama ang turing kay Mang Erning.
Pero wala pang isang buwan mula nang mamatay si Mang Erning, sumunod na rin si Aling Delia. Nagkasakit at hindi na nakabawi.
Pakiramdam ni Lorena, naulila siya. Hindi niya malimutan ang nagawang kabutihan sa kanya ng mag-asawa. (Itutuloy)