MINSAN daw ay kinausap nang masinsinan ni Aling Delia si Lorena. Noon daw ay madalas (halos linggu-linggo) ay lumuluwas mula Nagcarlan si Noli at nagdadala ng mga prutas at skinless longganisa.
“Halika nga Lorena at mayroon tayong pag-uusapan na masinsinan,” sabi ng matanda. Kasalukuyang pinadedede ni Lorena ang anak.
Sumunod si Lorena sa kuwarto ng mag-asawa. Si Mang Erning daw ay nasa labas ng bahay at nakikipagkuwentuhan sa kumpare nito.
“Maupo ka, Lorena. Ibaba mo kaya muna si Edel sa kama. Tulog naman yata.”
Ibinaba ni Lorena si Edel.
“Merong sinabi sa akin si Noli. Sa akin sinabi dahil nahihiya raw siya. Bago nga nasabi sa akin e ang tagal.”
“Ano po iyon Nanay Delia?”
“May gusto sa iyo si Noli.”
Napangiti si Lorena.
“Alam mo, halata ko sa kanya na talagang gustung-gusto ka niya. Yung mga mata niya habang nagsasalita ay hindi ko mailarawan.”
“Ano pa po ang sabi ni Mang Noli?”
“Huwag mo namang tawaging “mang” at lalong tumatanda. Noli na lang ang itawag mo. E yun lang naman ang sinabi sa akin. Gusto ka niya. Gustung-gusto.”
“Siguro po iyon ang dahilan kaya siya punta nang punta rito sa atin ano, Nanay Delia?”
“Ay ano pa? Ako nga ay nagtataka dahil hindi naman yan palaluwas ng Maynila. Mas gusto pa niya ay sa lansonesan niya. Napakasipag at napakabait ng pamangkin kong ‘yan.”
“Mabait nga po si Mang Noli, este Noli pala.”
“Yan ay wala pang nagiging nobya. Kasi nga ay mahiyain. Sa lahat ng pamangkin ko, ’yan ang pinakamasuyo sa akin. Apat na magkakapatid sila. Patay na ang mga magulang. May kanya-kanya nang pamilya ang mga kapatid. Siya na lang ang walang asawa. At alam mo bang malaki ang bahay niya sa Nagcarlan? Nagtaka nga kami kung bakit nagpagawa ng bahay e nag-iisa lang naman. Siguro ay walang paggamitan ng pera niya. Malaki ang kinikita niya sa lansones. Tapos ay eto at malakas na rin daw ang kanyang skinless longganisa…”
“Nanay Delia, baka po mawala ang pagkagusto niya sa akin kapag nalaman ang istorya ng buhay ko. Siguro po ay baka nagtataka na siya kung bakit meron akong anak…”
“Alam na niya, Lorena. Ikinuwento ko ang mga pangyayari.”
“Ikinuwento mo po na ginahasa ako ng amo kong Intsik?”
“Oo. Wala akong inilihim.”
Napatungo si Lorena. Nilaro ang daliri ng anak na si Edel na tulog na tulog.
“At alam mo ba, kahit daw ano ang nangyari sa’yo walang makapipigil sa kanya. Ilang ulit niyang sinabi. At ako ay kumbinsido.”
Namalayan ni Lorena na tumutulo ang luha niya.
Nakatingin sa kanya ang matanda. Hinayaan siyang lumuha.
Nang matapos ang pagluha, siya naman ang nagsabi ng damdamin.
“Nababaitan po ako kay Noli, Nanay Delia. Nung una kaming magkausap, nadama ko na napakabuti niyang tao. Hindi mo po siguro alam, kapag dumarating siya, masayang-masaya ako…”
“Ibig mong sabihin, gusto mo rin si Noli?”
Tumango si Lorena.
(Itutuloy)