Ganti (8)
AYON pa sa pagkukuwento ng kanyang mama, hindi siya iniwan ng mag-asawa at ang mga ito ang unang namulatan niya sa ospital. Nasa 60-anyos na raw marahil ang mag-asawa. Awang-awa ang mga ito sa kanya.
“Aba ay grabe ang galit sa iyo ng babaing iyon. Kung hindi namin naawat ay baka napatay ka, Ineng,” sabi ng matandang babae.
“Sa tingin ko ay demonyo na yung sumasampal sa’yo,” sabi naman ng lalaki.
Hindi raw makapagsalita ang kanyang mama at bumukal na lamang ang luha sa kanyang mga mata.
“Ano mo ba ang babaing yun?” tanong ng matandang babae.
“Huwag mo na munang tanungin at nahihirapan pa siya,” sabi ng lalaki.
Sumunod na araw daw ay bumuti na ang lagay ng kanyang mama. Ang nakabantay daw ay ang matandang babae. Nakapagsalita na rin daw. Pakonti-konti dahil masakit pa ang pisngi niya. Para raw nag-lock ang panga niya.
“Ano ba ang pangalan mo, Ineng?” tanong ng matandang babae.
“L-Lorena p-po.”
“Ay salamat naman at nakakapagsalita ka na. Ako si Delia. Sige huwag ka munang magsalita at baka makasama pa sa’yo. Magang-maga pa ang pisngi mo.”
“M-Masakit po itong pis- ngi ko pati po ulo ko…”
“Bugbog na bugbog ang mukha mo, Lorena. Kaawa-awa ka.”
“S-salamat po at tinulu-ngan n’yo ako. Utang ko po sa inyo itong buhay ko.”
“Nang makita ka namin talagang papatayin ka. Sino ba yung babaing yun, Lorena?”
“A-amo ko pong Intsik. K-katulong po nila ako.”
“Sobrang lupit. Ngayon lang ako nakakita ng ganoon kalupit na tao.”
Narinig nila ang pagbukas ng pinto. Ang asawa ng matandang babae.
“Siya si Erning.”
“O gising na pala siya,” sabi ni Mang Erning.
“Lorena pala ang pangalan niya, Erning. Amo pala niya yung babae na nagmalupit sa kanya. Intsik daw.”
“A oo. Siyanga pala, nakakulong na yung babae. Pero maaari raw makapag-bail.”
“Sana naman ay mabulok sa bilangguan ang ganung klase ng tao.”
“Naku, malabong ma-kulong. Intsik e. Maraming pera, tatapalan lang ang mga mag-iimbestiga at lusot na.”
Napaiyak daw nang malakas ang mama niya nang marinig ang sinabi ni Mang Erning. Awang-awa raw sa sarili. (Itutuloy)
- Latest
- Trending