may hiyas pa sa liblib(125)

TULOG pa si Ganda. Pi­nagmasdan niya ito. Ang babae raw na talagang maganda, kahit sa pagtulog ay maganda pa rin. At totoo sapagkat walang kasingganda ang asawa niya habang natutulog. Akalain ba niyang ang babaing nag­mula sa liblib ay magiging kabiyak niya. Nagbunga ang kanyang pagtitiyaga.

Habang pinagmamasdan si Ganda ay napansin ni Fred ang kuwintas nito. Ang “mutya” na pinamana ng kanyang Lola Angela. Kinuha ni Fred ang kuwintas at hinimas-himas ang palawit na “mutya”. Mutyang nakuha sa puno ng kalamansi. Suwerte sa anumang negosyo. Ang “mutya” na ito ang nagdadala ng suwerte sa kanila.

Kumilos si Ganda. Nagmulat ng mga mata.

‘‘Anong oras na Fred?’’

“Alas otso. Bakit?”

“Naalala ko kasi yung ititinda nating puto. Nagawa kaya ni Lorena ang mga bilin ko?”’

“Sigurado yun. Mada-ling turuan sina Mulong at Lorena. Suwerte tayo sa kanila, Ganda.’’

‘‘Pag-aaralin natin ang dalawa sa pasukan. Kailangang makatapos sila ng pag-aaral, Fred.”

“Oo. ‘Yan ang pangako ko kay Mulong. Gusto raw makatapos ni Mulong.”

“Gusto ko Fred, magka­roon pa tayo ng ibang aros­kalduhan. Gusto mo magtayo sa malapit sa school. Kasi yung pinanggalingan kong restaurant –yung nasunog, ang lakas talaga. Dagsa ang mga kumakain.”

“Kasi’y mayroon kang taglay na “mutya”, Ganda. Humahatak ka ng customer.”

Ngumiti lang si Ganda.

“Pero maganda ang suhestiyon mo. Sige kumuha tayo ng puwesto sa malapit sa school. Ikaw ang mamamahala, Ganda. Malakas ang paniwala ko, yayaman tayo sa negosyo natin. ’’

“Hula ko Fred, ikaw ang tatanghaling aroskaldo king.”

“Sana nga ay magkaroon ng katuparan ang sinabi mo Ganda. Pangarap ko, magkaroon tayo nang maraming branches. Mangangarap na rin lang ako e damihan ko na.’’

‘‘Posible naman, Fred. Maniwala ka sa akin.’’

Napatingin si Fred nang himas-himasin ni Ganda ang ‘‘mutya’’ na nakaku-wintas sa leeg. Sa bawat himas ni Ganda ay umuusal siya ng dasal na magkaroon ng katuparan ang pangarap ni Fred.

Hindi inaasahan ni Fred ang mga susunod pang ma­­gagandang kabanata sa kanilang buhay ni Ganda. Nagkaroon ng katuparan ang kanyang minimithi.

(Itutuloy)

Show comments