KINABUKASAN maaga silang nagtungo sa Bgy. Luningning. Sa isang pampasaherong dyipni sila sumakay. Apaw ang pasahero. Maski sa bubong ay may sakay.
Maliit ang kalsada nang papasok na sa Luningning pero sementado naman kaya mabilis ang biyahe. May nakikita nang pag-unlad sa liblib. Napansin na rin nila ang poste ng kuryente sa gilid ng kalsada. Mayroon na ring cell site silang nadaanan.
Kalahating oras lang ay nasa Luningning na sila. Bumaba na sina Fred at Ganda. Halos lahat yata nang pasahero ng jeepney ay sa kanila nakatingin. Kapansin-pansin kasi si Ganda.
“Parang naninibago na ako rito, Pinsan. Parang hindi ko na alam kung saan ang daan? Yung mga palatandaan ko ay wala na.”
“Paano nga’y binuldoser na ang lugar na ito,” sabi ni Raul.
Pumasok na sila sa kahuyan. Kapuna-puna na ang mga malalaking puno ay nakatumba. May isang ma-laking puno na nakatumba at tila handa nang lagariin ng mga tao. Yung mga kahoy na nakatumba ay baka daang taon na ang gulang.
“Hindi na ito ang lugar na nilakihan ko, Fred.”
“Wala ka na ring matandaan, Ganda?’’ tanong ni Fred.
“Oo. Tingin ko kalbo na ang lugar na ito. Parang babaing ginahasa.”
Nagpatuloy sila sa pagla-lakad hanggang marating ang sapa. Namangha sila sa nakitang itsura ng sapa na pinaliliguan noon. Malabo ang tubig. Sa dakong itaas ng sapa sa gawing kaliwa ay may itinatayong malaking pabrika.
Tinanong ni Mulong kay Fred kung pabrika ng ano ang ginagawang iyon.
“Pabrika raw ng plastic chair at table. Mayaman daw ang may-ari.”
“Bawal itayo ang ganyang pabrika na malapit sa sapa at residential, bakit pinayagan?”
“Malakas daw mag-donate ang may-ari niyan. Nagpagawa raw ng mga waiting shed.
Nanlumo si Ganda nang makitang hindi na maaaring paliguan ang sapa.
“Kawawa naman ang sapa, Fred. Ang itim ng tubig. Noon ay malinis na malinis ito at maaaring magsalamin sa tubig.”
Si Raul ang sumagot.
“Baka sa susunod na buwan ay hindi mo na ma-kita ang repleksiyon sa tubig. Pagtatapunan na sigurado ‘yan ng mga basura mula sa hinukay sa itatayong pabrika.
“Sana pala hindi na tayo nagtungo rito, Fred,” sabi ni Ganda.
“Gusto mo nang umuwi?”
“Oo,” mapait ang tinig ni Ganda.
(Itutuloy)