May hiyas pa sa liblib(111)
“ETO ang ‘‘mutya’’ Fred,” sabi ni Ganda at inilabas ang kuwintas na nakabitin sa leeg. Ang palawit ng kuwintas ay makinis na bato na sinlaki ng butil ng mais, dilaw at transparent.
Sinipat ni Fred. Halatang matigas ang bato pero nabutasan sa dulo kaya nalagyan ng chain at naging kuwintas.
“Sinong naglagay ng kuwintas?”
“Sabi ni Lola Angela si Lolo Amboy daw. Pinagtiyagaang butasan para gawing kuwintas.”
“Mabuti at hindi ito nawala nang tumalon ka sa bintana nung nasusunog ang restaurant?”
“Iningatan ko. Ito lang ang naisalba kong gamit. Pati nga cell phone ko nabitawan ko.”
Sinipat muli ni Fred ang palawit ng kuwintas. Ito pala ang magnet na humahatak sa mga customer. Noon pa alam na niyang ang “mutya” na nahuhukay sa may puno ng kalamansi ay mabisa para sa negosyo. May nabasa na rin siyang artikulo ukol doon. Pero sabi sa artikulo, hindi lahat ng punong kalamansi ay meron niyon at tila ang nakakakita lamang sa mutya ay yung mga taong malilinis ang puso.
“Bago namatay si Lola Angela ay mahigpit ang bilin sa akin na huwag kong pababayaan ang “mutya”. Kaya nga nung minsan na nakatitig sa kuwintas na ito ang malupit na may-ari ng restaurant ay nag-ingat ako. Malay ko kung meron din siyang knowledge sa “mutya”. Kasi’y madalas na nahuhuli ko siya na nakatitig talaga sa palawit ng kuwintas. Para bang sinisiguro kung ang palawit ay “mutya” ng kalamansi.”
“Mabuti at hindi tinangkang hablutin sa’yo yan.”
‘‘Yun nga ang iniisip ko kaya ang ginagawa ko, itinatago ko nang mabuti sa leeg ko. Hindi na ako nagsusuot ng damit na nakalantad ang leeg.”
“Pero napatunayan mong mabisa talaga yang “mutya” mo, Ganda?”
“Oo. Napatunayan ko sa restaurant na nasunog. Walang patid ang dating ng mga customer. Mayroong naghihintay para makaku-ha ng bakanteng mesa. Mabisa talaga ito.”
Hangang-hanga si Fred kay Ganda. Hindi nga siya nagkamali sa pagpili sa babaing ito. Kaya naman pala kahit magpakamatay siya rito ay talagang puwede.
“At alam mo rin ba, Fred na sinubukan kong alisin ang kuwintas sa leeg ko. Ang nangyari, walang gaanong pumasok na customer. Mabibilang ang kumain. Nalugi ang restaurant.”
Hangang-hanga si Fred. Nasasabik na tuloy siya sa mga mangyayaring maganda sa Aroskalduhan at Batsoyan niya.
Kinabukasan, mas makapal na kustomer ang dumagsa. Gusto na niyang pupugin ng halik si Ganda.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending