May hiyas pa sa liblib (91)
NAPUNA ni Mulong ang katamlayan ni Fred ng araw na iyon.
“May sakit ka Kuya? Magpahinga ka na lang at kaya ko namang asikasuhin ang mga kustomer natin.”
“Medyo masama nga ang katawan ko pero kaya ko naman,” sagot ni Fred. Hindi sinabi ni Fred ang totoo kay Mulong.
“Kasi’y parang wala kang sigla Kuya.”
“Okey lang ako.”
“Bukas ng umaga, Kuya maaga ba tayo sa Paco?”
“Oo.”
“Kasi’y baka masyado tayong maaga. Napupuyat ka. Puwede naman na ako na lang ang mamalengke.”
“Kaya ko, Mulong. Bukas, aagahan uli natin. Mas masarap ngang mamalengke kapag maaga.”
Pati si Melda nang dumalaw ng gabing iyon ay napansin na matamlay ang kapatid na si Fred.
“Kaunti bang benta, Kuya?”
“Hindi. Malakas ngang benta namin ni Mulong.”
“O e ba’t parang nalugi ka?”
“Pagod lang ako.”
“Magpahinga ka muna. Hayaan mo muna si Mulong sa aroskalduhan at batsoyan mo.”
“Kaya ko. Mahirap iwanan ang tindahan. Dami ng kustomer. Nagugustuhan na nila yung bago kong lumpia na may sawsawang masarap na suka.”
“Talaga ha. Sige baka talunin mo na ang Chow…. n’yan, he-he-he!”
Nagtawa lamang si Fred.
Kinabukasan sa palengke ng Paco, pagkatapos mabili ang mga kailangan, iniwan muli ni Fred si Mulong sa isang lugar at inabangan na si Ganda. Malakas ang kutob niya, darating ito.
Makalipas ang kalahating oras na paghihintay, napangiti si Fred sapagkat nakita niya si Ganda. Hindi na siya papayag na walang mangyari ngayon. Kailangang makakuha siya ng impormasyon kay Ganda.
Nakita naman agad siya ni Ganda. Bumuntot na siya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending