May hiyas pa sa liblib (89)

NARINIG ang dasal ni Fred. Biglang lumingon ang babae. Nagkati­ngi­nan sila. Walang kura­pan. Bawat isa sa kanila ay nagulat. Si Ganda nga ang babae.

“Ganda?”

“Mang Fred?”

“Ikaw nga si Ganda!” sabi ni Fred. May sasabi­hin sana si Ganda pero niyaya na ng kasamang babae. Hindi nahalata ng kasamang babae na nag-usap sila ni Ganda.

Pero bumuntot si Fred kina Ganda. Mas kuma­pal ang mga taong nami­mili.

“Ganda, saan ka naka­tira?”

Pero hindi makasagot si Ganda dahil natakpan na ng mga tao. Pilit na sumu­sunod si Fred. Hindi niya hini­hi­walayan sina Ganda at baka mawala sa pani­ngin niya. Hindi na niya ha­ha­ya­ang makakawala pa si Ganda.

“Ganda!”

Lumilingon si Ganda pero hindi naman maka­pag­salita. Pero halata ni Fred, nagkaroon ng sigla sa mukha ni Ganda nang makita siya. Para bang may mahalagang sasabi­hin sa kanya.

Sinisi ni Fred ang ma­kapal na tao sa palengke. Hindi siya makadikit kay Ganda para maitanong kung saan ito nakatira. Kahit street lang ang ma­sabi nito ay hahanapin niya.

Sa isdaan nagtungo sina Ganda. Mas makapal ang taong bumibili ng isda at mas maingay. Pumipili ng isda ang babaing ka­sama. Si Ganda ay naka­alalay at hawak pa rin ang listahan.

Nakadikit siya kay Ganda.

“Ganda saan ka naka­tira?”

Pero hindi makapagsa­lita si Ganda at itinuro ang kasamang babae. Ayaw ni Ganda na marinig ng ba­bae. Parang may problema si Ganda sa babaing ka­sama.

“Bukas andito kayo, Ganda.”

Tumango si Ganda.

“Ganitong oras?”

Tumango.

Makaraan iyon ay mu­ling umusad sina Ganda. Humabol si Fred. Pero hin­di na makadikit. Nabarahan na siya ng mga tao. Pinilit pa rin niyang makahabol pero masyadong maka­pal ang mga tao.

Hinayaan na niya. Tutal naman at sinabi ni Ganda na bukas ay na­rito uli sila para mama­lengke.

Bumalik si Fred sa pi­nag-iwanan kay Mulong.

“Nainip ka Muls?”

“Hindi Kuya, sanay akong maghintay.”

“Bukas aagahan uli natin ang punta rito. Mas­yadong maraming tao.”

“Oo nga, Kuya. Mahi­rap ngang mamili rito ka­pag inabot ng liwanag.”

Masaya si Fred. Gu­maan ang pakiramdam niya. Bukas, may aaba­ngan siya. May bagong pag-asa siyang hinihin­tay. Malakas ang kutob niya, may magandang mangya­yari.

(Itutuloy)

Show comments