May hiyas pa sa liblib (89)
NARINIG ang dasal ni Fred. Biglang lumingon ang babae. Nagkatinginan sila. Walang kurapan. Bawat isa sa kanila ay nagulat. Si Ganda nga ang babae.
“Ganda?”
“Mang Fred?”
“Ikaw nga si Ganda!” sabi ni Fred. May sasabihin sana si Ganda pero niyaya na ng kasamang babae. Hindi nahalata ng kasamang babae na nag-usap sila ni Ganda.
Pero bumuntot si Fred kina Ganda. Mas kumapal ang mga taong namimili.
“Ganda, saan ka nakatira?”
Pero hindi makasagot si Ganda dahil natakpan na ng mga tao. Pilit na sumusunod si Fred. Hindi niya hinihiwalayan sina Ganda at baka mawala sa paningin niya. Hindi na niya hahayaang makakawala pa si Ganda.
“Ganda!”
Lumilingon si Ganda pero hindi naman makapagsalita. Pero halata ni Fred, nagkaroon ng sigla sa mukha ni Ganda nang makita siya. Para bang may mahalagang sasabihin sa kanya.
Sinisi ni Fred ang makapal na tao sa palengke. Hindi siya makadikit kay Ganda para maitanong kung saan ito nakatira. Kahit street lang ang masabi nito ay hahanapin niya.
Sa isdaan nagtungo sina Ganda. Mas makapal ang taong bumibili ng isda at mas maingay. Pumipili ng isda ang babaing kasama. Si Ganda ay nakaalalay at hawak pa rin ang listahan.
Nakadikit siya kay Ganda.
“Ganda saan ka nakatira?”
Pero hindi makapagsalita si Ganda at itinuro ang kasamang babae. Ayaw ni Ganda na marinig ng babae. Parang may problema si Ganda sa babaing kasama.
“Bukas andito kayo, Ganda.”
Tumango si Ganda.
“Ganitong oras?”
Tumango.
Makaraan iyon ay muling umusad sina Ganda. Humabol si Fred. Pero hindi na makadikit. Nabarahan na siya ng mga tao. Pinilit pa rin niyang makahabol pero masyadong makapal ang mga tao.
Hinayaan na niya. Tutal naman at sinabi ni Ganda na bukas ay narito uli sila para mamalengke.
Bumalik si Fred sa pinag-iwanan kay Mulong.
“Nainip ka Muls?”
“Hindi Kuya, sanay akong maghintay.”
“Bukas aagahan uli natin ang punta rito. Masyadong maraming tao.”
“Oo nga, Kuya. Mahirap ngang mamili rito kapag inabot ng liwanag.”
Masaya si Fred. Gumaan ang pakiramdam niya. Bukas, may aabangan siya. May bagong pag-asa siyang hinihintay. Malakas ang kutob niya, may magandang mangyayari.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending