SA Paco namamalengke sina Fred at Mulong. Madaling araw kung magtungo sila roon. Mula sa H. Santos ay magdi-dyipni lamang sila patungong Paco. Si Mulong ang nagturo sa kanya na sa Paco mamalengke sapagkat mas maraming pagpipilian doon. Dati ay sa Pasong Tirad lang namamalengke si Fred.
“Sanay na sanay ako sa Paco, Kuya dahil noong helper pa ako sa canteen ay diyan kami namamalengke.”
“Bagong katay ang mga manok ano, Mulong?”
“Oo, Kuya. Pati yung karneng baka nila.”
“Mahalaga kasi na laging sariwa ang isisilbi sa kustomer. Kailangan ay huwag tayong masira sa kanila para hindi tayo iwanan.”
“Totoo yan Kuya.”
Ilang buwan na silang namamalengke sa Paco nang isang madaling araw ay napansin ni Fred ang isang babaing parang kilala niya. Pero gusto niyang makatiyak kung ang kanyang nakita ay si Ganda. Ayaw niyang mapahiya. Namimili rin ng mga karne si Ganda at sa wari ay helper ito ng isang may-edad nang babae. May hawak na papel si Ganda.
“Mulong, huwag kang aalis dito ha. Bantayan mo lang ang ating mga pinamili at meron lang akong pupuntahan.”
“Sige Kuya.”
Maraming namamalengke kaya hindi hiniwalayan ng tingin ni Fred ang babae na ang buong paniwala niya ay si Ganda. Talagang malaki ang pagkakahawig. Medyo payat nga lang ang babae.
Nakipagsiksikan siya sa mga taong namamalengke. Gusto niyang makalapit sa babae para mapagmasdang mabuti. Mga limang tao pa ang pagitan niya sa babae. Siksikan. Pumipili ng karne ang kasama.
Hanggang sa makalapit siya sa babae. Nakatalikod sa kanya. Hindi siya magpapakita. Pagmamasdan lang muna niya.
Ang height ay kay Ganda. Ang haba ng buhok ay katulad ng kay Ganda. Naka-jeans at shirt. May hubog ang katawan. Pero sa isip ni Fred, mas maganda ang hubog ng katawan ni Ganda kaysa sa babaing nasa harapan niya. Nagtalo ang isip ni Fred. Baka namalikmata na naman siya. Baka dinaya na naman siya ng paningin.
Lumakad pa ang babae. Nakabuntot sa kasama. Hawak pa rin ang listahan ng pamimili.
Naidasal ni Fred na lumingon sana ang babae. Kapag lumingon ito at napagmasdan niya saka pa lamang makukumpirma kung ito nga si Ganda.
Pero tila hindi ibabaling ang mukha sapagkat kinakausap ng kasama. Mayroong pinatitsek sa papel.
Gusto na ni Fred na tawaging “Ganda” pero nagpigil siya. Paano kung hindi si Ganda.
(Itutuloy)