May hiyas pa sa liblib(87)
HINDI babae ang nakuhang helper kundi isang lalaki si Mulong. Mga 20-taong gulang si Mulong at ulila na sa ama. Ang ina raw niya ay labandera. Tapos daw siya ng high school. Gusto raw niyang magpatuloy ng pag-aaral kapag nagkaroon ng pera sa hinaharap. Gusto raw niyang makatapos para mabigyan ng magandang buhay ang ina.
“Kahit na ano ang ipagawa mo sa akin, Kuya Fred. Kahit na magkano rin ang ipasuweldo mo. Basta’t kakain kaming mag-ina.”
“Pasusuwelduhin kita kung ano ang minimum, Mulong.”
“Salamat Kuya. Makakaasa ka na hindi mo ako magiging problema.”
“Basta ang gusto ko lang naman ay mayroong tagahugas at tagagayat ng kung anumang sahog sa aroskaldo. Gusto ko rin na may katulong sa pamamalengke. Bumabangon ako nang maaga para mamalengke.”
“Sanay na sanay ako diyan, Kuya. Kasi hindi mo naitatanong ay naging helper din ako sa canteen ng school naming nung ako ay nag-aaral sa high school. Namamalengke kami. Ako ang taga-buhat at saka taga-hiwa ng karne.”
“Okey na okey pala ang pagkakapasok mo sa akin.”
“Ako na rin ang maglilinis ng bahay mo, Kuya.”
“Sige. Basta ngayon ay dalawa na tayong magpapatakbo nitong munti kong negosyo.”
“Palagay ko uunlad itong negosyo mo, Kuya.”
“Harinawa, Mulong.”
Nagkatotoo ang sinabi ni Mulong sapagkat makaraan ang isang buwan, napuno na ng mga mesa at upuan ang garahe ni Fred. Maraming kumakain. At hindi lamang aroskaldo ang sini-serve niya sa mga kumakain kundi pati batsoy. Nag-imbento siya ng isang klase ng batsoy na kakaiba sa mga tinitinda. Malinamnam ang sabaw at ang pansit niyang ginamit ay yung gawa sa Mindoro. Pansit na pino.
“Balitang-balita ang batsoy mo Kuya. Masarap daw. Kakaiba raw.” sabi ni Mulong.
“Akala ko hindi magugustuhan, Mulong.”
“Ang kulang na lang ay masarap na puto, Kuya. Kapag siguro mayroon tayong masarap na puto, talagang dadagsa ang tao rito. Yung tinda nating puto ay hindi masarap Kuya. Makitkit. Halatang hindi bigas ang ginamit.”
Naalala na naman ni Fred si Ganda nang mabanggit ang puto. Nasaan na kaya ang babaing iyon?
Hindi inaasahan ni Fred na malapit na palang magkrus ang landas nila ni Ganda. Akala niya, nananaginip lang siya. Totoo pala.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending