May hiyas pa sa liblib (84)
“MARAMI nang nagtitinda ng lugaw at mami, Melda. Baka langawin lang ang tinda ko. Mahina pa naman akong umakit ng kustomer.”
“Hindi mo naman iaalok ang tinda mo. Ang pinag-uusapan kapag nagtinda ka ng pagkain ay yung kalidad at sarap. Kapag masarap ang tinda mo, kahit saang lupalop ka pa naroon, pupuntahan ka.”
“Kaso mo’y mahina nga akong kumumbinsi ng kustomer. Mahiyain ako.”
“Ay ang tange. Di ba’t business adminisration ang tinapos mo. Gamitin mong napag-aralan mo.”
“Okey nga ang naisip mo Melda pero mahina naman ang fighting spirit ko.”
“Tutulungan kita sa kapital. Bahala ka kung kailan mo ibalik.”
“Yung nabanggit mong puto kanina na match sa lugaw o aroskaldo, me kakilala akong supersarap na gumawa ng puto. Walang sinabi yung kilalang bakeshop na nagtitinda ng puto. Talagang napakasarap. Tamang-tama ang timpla.”
“’Yun pala naman e, siya ang paglutuin mo ng puto at rasyunan ka. Naku paghindi babalik-balikan ka. Sino ba yung mahusay gumawa ng puto?”
“’Yung babaing hinahanap ko sa Sampaloc, si Ganda!”
Napahagalpak ng tawa si Melda.
“Susme at yun pala. E hindi mo makita yung Ganda na yun.”
“Kung siya ang magrarasyon sa akin ng puto, tiyak ko, magiging mabenta ang lugaw at mami.”
“E hindi mo nga makita ang babaing yun.”
“Pag-aralan ko ang sinabi mo Melda. Mag-aaral ako sa pagtitimpla nang masarap na lugaw o mami.”
“Sige mag-ekspiremento ka Kuya. Palagay ko diyan ka yayaman.”
Nagtawa si Fred.
“Huwag kang magtawa Kuya dahil yung Jollibee nagsimula lang sa maliit na food stand. Yung Chow King, nagsimula rin sa maliit. Baka ikaw ganyan din..”
Sa narinig, medyo lumakas ang loob ni Fred. Pero lalakas ang loob niya kung makikita si Ganda at magiging kapartner niya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending