MABILIS maglakad ang babae at nakalabas agad sa simbahan. Pero hindi umubra ang bilis kay Fred sapagkat nasundan kaagad. Kasingtaas at kasingkatawan ni Ganda. Parehong-pareho ang buhok. Walang duda na si Ganda na nga ang naglalakad na babae.
“Miss! Miss!”
Hindi lumilingon ang babae. Patuloy sa mabilis na paglalakad.
Dinoble ni Fred ang paglalakad at tinangkang lampasan ang babae para ma-kasiguro na si Ganda nga.
Nagawa ni Fred na malampasan ang babae. Pero nang lingunin niya ito ay napahiya siya sapagkat hindi si Ganda ang babae. Maganda lang pala ang babae kapag nakatalikod pero kapag nakaharap na ay kabaliktaran ni Ganda. Maaskad.
Napatingin ang babae kay Fred. Tila naghinala kung bakit bigla siyang tiningnan ni Fred.
Hindi naman nagpahalata si Fred sa babae. Bumalik si Fred sa pinanggalingang simbahan at nagbakasa- kaling makita na ang tunay na si Ganda. Pero wala siyang nakitang Ganda. Laglag ang balikat na umuwi siya.
Hinihintay na pala siya ni Kim.
“Papa bukas e sunduin mo ako sa school ha?”
“Talaga namang sinusundo kita di ba?”
“Nitong nakaraang linggo hindi mo ako inihatid at hindi rin sinundo.”
Naalala ni Fred na naging busy siya sa pagha-hanap kay Ganda. Naisip niya, dapat na niyang tigilan ang paghahanap sa babaing iyon at baka magalit na naman sa kanya si Kim.
“Bukas, ihahatid kita at susunduin. Gusto mo manood tayo ng sine sa mall.”
“Sige Papa.”
“Wala ka bang assignment na gagawin?”
“Wala Papa.”
Kinabukasan, pagkasundo niya kay Kim ay sa isang sikat na mall sila nagpunta.
Nang nasa loob na sila ng mall ay mayroon na naman siyang nakitang babae na kahawig na kahawig ni Ganda. Hindi niya hiniwalayan ng tingin ang babae.
“Sinong tinitingnan mo Papa?”
“A ‘yung mama na malaki ang tiyan. Parang kilala ko.”
Nagpatuloy sila sa paglalakad, Malakas ang kutob ni Fred na ang babaing nakita kanina ay si Ganda. Pero hindi na niya masusundan ang babae dahil kasama ang anak. O baka naman, dinadaya lang siya ng mga mata. Dahil sa kaiisip niya kay Ganda ay ang mukha na lang nito ang lagi niyang nakikita.
(Itutuloy)