“NAGING bayani ka pala e hindi mo kinukuwento sa akin,” sabi ni Raul na nagpapanting na ang taynga dahil sa nainom nila ni Fred. Namumungay na na rin ang mga mata.
“Nangyari iyon ilang araw bago ako magtungo rito sa Manila kaya hindi ko naikuwento sa’yo.”
“Kaya pala ganun na lamang kahigpit ang pagtatanong mo sa matanda ay nakapagligtas ka ng isang buhay.”
“Oo pinsan. Kung hindi sa akin, baka naluray ang magandang apo.”
“Baka naman me gusto ka sa apo ni Lola?”
“Medyo.”
Nagtawa si Raul. Namungay lalo ang mga mata.
“Kapag nakita mo yung sinasabi kong apo, baka magustuhan mo rin, pinsan. Maganda talaga at ganun ang hinahanap ko.”
“Ba’t hindi mo balikan sa Luningning?”
“Mas mahal ko ang anak ko, pinsan. Maaari kong makuha yung magandang apo pero mawawala naman ang anak ko. Ngayon magkasundo na kami ng anak kong si Kim.”
Napatango na lang si Raul. Sang-ayon siya sa ginawa ni Fred.
“Ano bang pangalan ng magandang apo, pinsan?” tanong ni Raul matapos dumampot ng pulutang crispy pata at saka isinawsaw sa suka. Isinubo.
“Ang tawag sa kanya ay Ganda!”
“Kakaibang pangalan. Maganda nga siguro,” sabi ni Raul.
“Maganda talaga siya.”
“Hayaan mo at kapag nagtungo ako sa Luningning ay papasyalan ko ang sinasabi mong si Ganda. Ibabalita ko sa’yo…”
“Hahanga ka kapag nakita mo si Ganda.”
Nagtawa si Raul.
Makalipas ang isang linggo, tumawag si Raul sa cell ni Fred.
“Wala nang tao sa kubo, pinsan. Madamo na ang paligid ng kubo na halatang matagal nang walang nakatira.”
Bigumbigo si Fred.
(Itutuloy)