NAKONSENSIYA si Fred sa mga sinabi ng kanyang kapatid na si Melda. Paano’y totoo ang mga sinabi nito. Madali nga siyang magmahal at mahumaling sa mga babae. At ngayon nga, kay Ganda siya nahuhumaling at nauubos ang oras. Kahit na nga hindi siya pinapansin ni Ganda ay patuloy pa rin siya. Kahit na nga tinaya pa niya ang buhay ay balewala kay Ganda.
“Sige na Kuya, okey lang sa akin. Ako na lang ang bahala kay Kim. Puwede ka nang umalis at hindi ka pa naman nakikita ni Kim. Mabuti nga at wala pa siya. Mabuti nga at hindi ka pa nakikita.”
Napabuntunghininga si Fred. Matindi ang pressure na nararamdaman niya. Gusto niya si Ganda pero kailangan din naman ni Kim ng kalinga niya. Gagawin niya ang lahat para magustuhan ni Ganda pero narito naman ang anak niya ay naliligaw na ng landas. Kahit ano ay maaari niyang ibigay kay Ganda pero mas kailangan ng anak niyang si Kim ang pagmamahal ng ama.
‘‘Sige na, Kuya, ituring mo na lang na wala kang natanggap na sulat. Kung meron kang iniwan na ibang minamahal sa lugar mo, balikan mo na.”
Napabuntunghininga muli si Fred. Malalim.
“Dito na muna ako, Melda,’’ sabi ni Fred na nakatingin sa dingding na may nakasabit na painting.
Napamaang si Melda. Ito naman ang hindi makapaniwala.
“Totoo Kuya.”
Tumango si Fred.
“Marami na akong utang kay Kim. Kailangang magbayad na ako.”
Napaiyak si Melda.
“Salamat naman Kuya at naisip mo ‘yan. Kasi’y talagang kailangan ka ni Kim.”
“Nasaan ba si Kim?’’
‘‘Darating na yun Kuya. Teka at magluluto ako ng masarap. Diyan ka muna Kuya.”
Humilata si Fred sa malambot na sopa. Naiidlip siya. Pero bago siya tuluyang hinatak ng antok ay nakita niyang nakatayo na sa may pintuan ang anak na si Kim. Nakatingin lamang sa kanya. Walang reaksiyon. (Itutuloy)