May hiyas pa sa liblib (71)
MALAKI nga ang pagkukulang ni Fred sa kanyang anak na si Kim. Ni hindi niya nasubaybayan ang paglaki nito. Ipinaubaya na niya ang pagpapalaki rito sa kanyang kapatid na si Melda. Mula nang mamatay ang kanyang asawang si Nida ay tila nawalan siya ng gana sa anak. Ewan ba niya kung bakit siya nagkaganon. Nang nasa Saudi Arabia siya, mas nahaling pa siya sa pakikipag-penpal kay Precy na malaking sugat lang pala ang idudulot sa kanya. Ipinagpalit pa niya si Kim sa babaing ‘‘iniputan’’ lang siya sa ulo. Inaamin ni Fred, dahil sa pagkahaling niya kay Precy ay nalimutan na niya ang anak na si Kim.
Ngayon, umuusbong na ang problema kay Kim. Pati si Melda na kanyang kapatid ay gusto nang sumuko.
‘‘Mas maganda yata Kuya ay kayo na muna ang magkasama ni Kim. Kasi’y parang mahirap nang suwetuhin. Kung minsan, umiiyak ako dahil matigas ang ulo. Iba talaga Kuya ang ugali. Hula ko nga ay baka nakaka-marijuana…”
Gumapang ang kilabot sa balat ni Fred. Maraming kabataan ngayon ang tinitikman ang bawal. Kung ano ang bawal, iyon ang ginagawa.
“Imagine naman Kuya, ako na ang na-ging kasama niya mula noong baby pa siya. Akala nga ako ang mommy niya at siguro naghahanap siya ng father figure. Gusto niyang ang kasama naman sa bahay ay lalaki. Minsan nga na hindi ako makatiis ay sinabi kong aalis na ako. Aba, sabi ba naman sa akin, e ba’t di ka umalis. Wala namang nagmamahal sa akin... Ay Diyos ko, umiyak ako. Anong nangyayari sa batang ito...’’
Nakatulala si Fred. May problema nga kay Kim. Hindi dapat ipagwalambahala.
“Kayo na muna kaya ang magsamang mag-ama, Kuya. Ipagsama mo kaya sa sinasabi mong lugar sa Socorro. Titiisin ko na lang muna na mapalayo kay Kim. Kahit na alam kong iiyak ako kapag napawalay sa akin. Kasi’y mas mahirap kung hindi magagabayan ang anak mo. Baka lalo tayong umiyak pagdating ng araw na sugapa na ‘yan sa marijuana o shabu. Ayaw kong mangyari yun Kuya kaya kita agad-agad na sinulatan. Nagpakatandang dalaga na ako dahil kay Kim tapos ay maliligaw lang ng landas…’’
Hindi makapagsa- lita si Fred. Masyado ang pagmamahal ni Mel- da kay Kim. Tama nga ang sabi nito na kinalimutan na ang pag-aasawa para lamang sa pamangkin.
“Mas maganda kung maipagsasama mo siya sa sinasabi mong lugar, Kuya…”
“Hindi niya gugustuhin dun, Melda. Walang kuryente, walang cell phone, walang TV, walang play station, maraming wala.”
“Kausapin mo nang masinsinan.”
“At saka kung dadalhin ko roon, walang school na malapit dun. Saan ko siya pag-aara-lin dun?”
Nakatingin lang si Melda kay Fred. Tila may itatanong na hindi maibuka ng bibig.
“Parang mahirap kung isasama ko siya roon.”
“Kuya, wala ka bang kinakasama roon?”
Napamaang si Fred sa tanong.
“Wala. Bakit mo naitanong?’’
“Kasi’y baka may kinakasama ka kaya parang mabigat ang problema mo sa pagsasama kay Kim.”
“Wala. Wala akong kinakasama.”
“Alam ko kasi, madali kang magmahal sa babae. At kapag nagmahal ka, kahit anak mo nalilimutan mo.’’
Tulig si Fred.
“At kung meron kang kinakasamang babae, mabuti pa nga e huwag mo nang ipagsama at baka apihin lang si Kim. Hayaan mo na siya sa akin, Kuya…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending