May hiyas pa sa liblib (58)

Nang tingnan ni Fred ang pinanggalingan ng nag-uusap, ang maglola ang nakita niya. May dalang traveling bag si Ganda. Seryoso ang pag-uusap ng dalawa. Bakas sa mukha ni Ganda ang lungkot. May masamang nangyari?

Tumayo si Fred mula sa pagkakaupo sa baytang   ng hagdan nang malapit na ang maglola. Siya na ang sumalubong sa mga ito. Kung siya man ang dahilan kaya nawala ng isang linggo ang maglola, magpapaliwanag siya. Sasabihin niya ang totoo kung bakit nangyari ang insidente sa sapa.

Pero hagulgol ang isinalubong sa kanya ni Lola Angela. Tila ba namatayan.

“Anong nangyari, Lola?” tanong niya.

Ibinaba ng matanda ang plastic bag sa damuhan at   yumakap sa kanya. Si Ganda ay nakatingin lang. Walang reaksiyon. Hawak nito ang traveling bag.

“Namatay ang ama ni Ganda!”

Gimbal si Fred. Ito yung amang lagalag na matagal nang hindi dumadalaw kay Ganda. Narinig na niya ang kuwento ng buhay ni Ganda. Iniwan ito ng ina. Ang ama naman ay dalawin siya at hindi. Ang lola at lolo ang nagpalaki. Namatay na pala.

“Hindi ko naikukuwento sa’yo Fred na may ama pa si Ganda. Sa Socorro siya nanirahan. May ka-live-in na pala kaya hindi nadadalaw dito…”

“Lola…” sabi ni Ganda na gustong pigilan ang lola sa pagkukuwento.

“Hayaan mong marinig ni Fred ang kuwento, Ganda. Mabuting malaman niya…”

Nagpatuloy si Lola sa pagkukuwento. Si Ganda ay nagtuloy na sa kubo. Siguro ay para magpahi-nga. Umiiyak si Lola habang nagkukuwento.

“Namatay sa sakit ang ama ni Ganda. Hindi namin alam na maysakit pala. Kaya pala hindi nakadalaw dito ay masama na ang lagay. Cancer daw sa lalamunan…dahil sa paninigarilyo.”

“Paano n’yo nalaman na patay na?”

“Nagtungo rito ang ka-live-in. Nakaburol na ng dat­nan namin sa Socorro.”

“Iyon po ba ang dahilan kaya nawala kayo nang may isang linggo, Lola?”

“Oo. Agad kaming sumugod sa Socorro.”

“Ano po ang reaksiyon ni Ganda sa nangyari?”

“Balewala sa kanya. Si-guro ay dahil sa hindi niya ga­­anong nakapiling ang ama.”

Naisip ni Fred, hindi ang nangyari sa sapa ang dahilan kaya biglang nawala ang maglola. At wala pa marahil alam ang matanda sa nangyari. Hindi pa sinasabi ni Ganda dahil nga naging abala sila sa pag-kamatay ng ama.

“Ulila na si Ganda. Ka­wawa naman ang apo ko,” sabi ni Lola na para bang ka­wawang-kawawa ang apo.

“Nasaan po ang ina ni Ganda?”

“Hindi ko alam. Basta iniwan na lang ng babaing iyon ang mag-ama. Hindi nga siguro alam ni Ganda ang itsura ng kanyang ina.”

Niyaya na ako ni Lola Angela sa loob ng kubo.

“Fred, huwag mo ka-ming pababayaang maglola ha, tulungan mo kami.”

Napatango si Fred.

(Itutuloy) 

Show comments