PERO hindi lumabas si Ganda. Naunawaan ni Fred na nag-iisa si Ganda at nahihiyang lumabas. Tipikal na ugali ng dalagang bukid?
“Aalis na ako Ganda,” sabi ni Fred.
“Sige po.”
At least sumagot si Ganda. Masaya na ring umalis si Fred.
Kinahapunan, malayo pa ay natanawan na ni Fred si Lola Angela. Nag-iihaw siya ng manok sa may punong mangga nang makita ang matanda. Alam na niya ang sadya, tungkol sa bigas.
“Magandang hapon, Fred.”
“Magandang hapon, Lola.”
“Nagdala ka pala ng bigas sa bahay kanina. Ay wala pa akong pambayad. Paano baga yun?” sabi ng matanda na tila nahihiya.
“Wala pong problema. Kung kailan ka po makaluwag e di saka mo bayaran.”
“Ay naku baka malubog ako sa utang sa ‘yo.”
“Okey lang Lola. Huwag kang matakot.”
“Nagtinda ako ng puto kanina. Si Ganda lang ang nasa bahay. Kasi’y nilalagnat ang apo ko. Kahapon kasi e inabot ng init habang dinideliber ang tinda. Ugali kasi ng apo ko na maligo sa sapa pagkagaling sa pagtitinda. Kung kailan pinawisan na siya.”
Naisip ni Fred na nagtitinda muna ng puto si Ganda bago maligo. Kawawa naman. Kaya siguro hindi na siya naharap kanina ay dahil nilalagnat.
“Anong pinainom mong gamot Lola?”
“Wala pa. Kasi’y bumibili ako ng gamot sa tindahan kanina, e wala naman daw Biogesic. Balak ko painumin ng nilagang dahon ng herbabuena ay pansit-pansitan.”
“Meron po akong gamot sa lagnat, Lola. Sandali at kukunin ko sa kubo.”
Mabilis na tinungo ni Fred ang kubo. Hinalungkat ang kanyang lalagyan ng mga gamot at kung anu-ano pang gamit. Nakakuha ng isang banig ng Biogesic. Dinala iyon kay Lola Angela. Naabutan niyang pinipihit ni Lola ang nililitsong manok.
“Pinakialaman ko nang pihitin at nasusunog.”
“Salamat Lola. Eto po ang gamot. Ipainom n’yo na agad nang gumaling ang apo n’yo.”
“Salamat uli, Fred. Marami na akong utang na loob.”
“Magaling po ang gamot na ‘yan.”
“Sige. Pagsasabihan ko nga si Ganda na huwag nang maliligo sa sapa…”
Napalunok si Fred.
(Itutuloy)