“SIGE Fred, ibaba mo na lang diyan sa may hagdan ang bigas at ang apo ko na ang mag-aakyat,” sabi ni Lola Angela nang nasa harap na sila ng kubo.
“Iaakyat ko na Lola at mabigat din ito.”
“A e sige.”
Iniakyat ni Fred ang bigas. Inilagay sa may likod ng pintuan. Walang naririnig si Fred na ingay sa kubo. Wala yata si Ganda.
“Nakakahiya naman sa’yo Fred,” sabi ni Lola Angela. Ilang beses nang sinabi iyon ni Lola Angela.
“Wala pong anuman, Lola. Sino po ang kasama mo rito?” hindi na nakatiis si Fred nang wala siyang marinig na kumikilos sa kubo.
“A ang apo ko.”
“Lalaki po?”
“Babae. Teka at tatawagin ko.”
“Huwag na po Lola.”
Pero natawag na ni Lola Angela si Ganda.
“Ganda! Ganda!”
Wala pa ring kumikilos.
“Natutulog yata ang apo ko. Kasi’y mamaya ay mag pupuyat kami sa paggiling ng bigas.”
“A huwag n’yo na pong gisingin, Lola. Ako po ay aalis na,” sabi ni Fred na may panghihinayang.
“Teka Fred at may ibibigay ako sa’yo. Kakahiya naman na ipinagbuhat mo ako ng bigas. Eto man lang ibibigay ko e makabawas sa utang na loob.”
“Si Lola naman para yun lang e.”
“Hintayin mo na itong ibibigay ko, Fred. Masarap ito. Luto ito ng apo kong si Ganda.”
“Puto po ba Lola?”
“Oo. Yung maliliit na puto. Niluto niya ito kanina lang bago ako pumunta sa inyo. Sandali lang at kukuha ako ng dahon sa labas. Hintayin mo na. Maupo ka muna diyan sa bangkito.”
“Sige po Lola.”
Pinagmasdan ni Fred ang loob ng kubo. Kahit na maliit ay malinis. Makintab ang sahig na kawayan. May maliit na mesa na gawa sa kawayan. Nakita niya ang mga stainless na pasingawan ng puto. May mga bilao. Nasulyapan din niya ang gilingan ng bigas na nasa isang sulok.
Nang magulat si Fred nang lumabas sa isang maliit na kuwarto ng kubo si Ganda.
Hindi makapagsalita si Fred. Nakamaang. Si Ganda ay nakadaster lang. Ang ganda pala kapag bagong gising!
(Itutuloy)