May hiyas pa sa liblib (33)
HABANG naglalakad patungo sa kubo nina Ganda ay nag-iisip ng paraan si Fred kung paano makakausap si Ganda. Sa tantiya ni Fred ay wala pa ang lola ni Ganda sapagkat nagtitinda ng kakanin. Si Ganda lamang ang nasa kubo at maaari siyang magkunwaring naliligaw at magtatanong kung saan ang tamang daan.
Mabilis ang mga hakbang niya patungo sa kubo nina Ganda na may malayu-layo rin mula sa sapa. Malapit nang tumirik ang araw kaya mahapdi sa balat. Pero hindi na niya iniinda ang sikat ng araw. Nasanay na siya dahil sa pagtatrabaho sa bukid. Isa pa’y sanay siya init dahil noong nasa Saudi Arabia siya ay mas matindi ang init. Wala sa kalahati ang init sa Pilipinas kung ikukumpara sa Saudi.
Habang naglalakad, naisip din ni Fred kung bakit kaila-ngang maglakad pa si Ganda nang malayo para lamang maligo sa sapa. Sabagay hindi naman delikado ang paglalakad patungo sa sapa. Siguro ay type niyang maligo na nakakalangoy siya. Nagsawa na siguro sa paggamit ng tabo. At siguro rin, gusto niyang maligo na hubo’t hubad.
Nakarating si Fred sa kubo. Tumigil muna siya. Pinraktis ang sasabihin kay Ganda.
Nang inaakalang puwede na ay lumapit na sa kubo.
“Tao po! Tao po!” Sigaw niya.
Walang sagot.
“Tao po! Tao po!” Ulit niya.
Wala ring sagot.
Wala kayang tao?
Lumapit pa si Fred. Nakiramdam kung may kumiki- los sa loob. Wala. Tahimik na tahimik. Baka naman natutulog? Imposibleng natutulog sa ganitong oras. Ang tulog ay pagkatapos kumain ng tanghalian.
Nasulyapan ni Fred na sa silong ng kubo ay maraming nakatambak na kahoy na panggatong . Pawang mga sanga ng madre cacao. Mga tuyo na ang maganda ang pagkakapatas. Ginagamit sa pagluluto ng kakanin.
Dahan-dahang lumakad si Fred. Napansin ang bombang pinagkukunan ng tubig. Meron naman pala silang bomba ay kung bakit sa ilog pa dumadayo. Pero naisip naman niya, mabuti ngang naligo si Ganda. Pabor sa kanya ang paliligo sa sapa ni Ganda.
Sinubukan niyang mag-tao po muli. Dalawang beses. Wala talaga. Bigo siya.
Nagpasya na siyang umuwi. Nang makarinig siya ng nag-uusap. Papalapit. Ang maglola!
Bigla siyang napasuot sa silong. Sa talaksan ng mga kahoy. (Itutuloy)
- Latest
- Trending