MABILIS maglakad ang babae. Bago nakatawid sa sapa si Fred ay malayo na agad ang babae. Sanay na sanay maglakad sa damuhan. Pero patuloy pa ring sinundan ni Fred. Makita man lamang niya kung saan ito nakatira ay okey na sa kanya. Nilampasan ni Fred ang mga malalagong kugon sa tabing sapa. Hindi niya hinihiwalayan ang babae na mabilis pa rin ang ginagawang paglalakad. Halatang walang nagdadaan sa lugar sapagkat walang makitang landas. Nakabuntot siya sa babae na hindi nito nalalaman. Nagkukubli siya sa puno ng niyog o saging kapag nararamdamang lilingon ang babae. May natuntu-ngang tuyong dahon si Fred at napalingon ang babae. Nakakubli agad si Fred sa punong saging.
Nagpatuloy ang babae sa paglalakad. Kahit na nabalot nang tuwalya ang katawan ng babae ay hindi maipagkakaila ang magandang hubog nito. Ang hugis ng puwit ay nakabakat sa hindi kakapalang tuwalya. Napalunok si Fred nang maalala ang kahubaran nito sa sapa kanina habang nagsasabon. Per-pektong katawan na animo’y nililok ng ekspertong eskultor. Kung mayroon siyang kamera, sarap kunan ng babae habang nagsasabon.
Maya-maya pa ay nakita na ni Fred ang tirahan ng babae. Isang kubo rin iyon na walang ipinagkaiba sa kubo ni Fred. Bago pa ang bubong na kugon ng kubo na halatang hindi pa natatagalan mula nang gawin. Ang dingding na kawayan ay halata namang luma na. Sa paligid ng kubo ay mara-ming tanim na namumulaklak na halaman. May bakod na kawayan ang kubo na hanggang dibdib ang taas. Sa dami ng mga nakatanim na halaman ay hindi makikitang may kubo sa dakong iyon.
Tumigil si Fred nang nakapasok na sa loob ng bakuran ang babae.
Umakyat ang babae sa limang baytang na hagdan. Nawala. Maya-maya, nakita ni Fred na isinara ng babae ang bintana ng kubo.
Nagbibihis marahil ang babae. Maya-maya, muling binuksan ang bintana.
Hindi na nakita ni Fred ang babae. Baka nagluluto ng kakainin sa tanghalian.
Hindi pa rin umaalis si Fred sa pagkakakubli sa puno ng saging na mara-ming nakayungyong na tuyong dahon. Nag-aabang pa rin siya sa babae.
Hanggang sa makarinig siya ng mga yabag sa da-kong likuran niya. Nagmamadaling isiniksik ni Fred ang sarili sa mga tuyong dahon.
Ang nakita niya ay isang matandang babae na may sunong na bilao. Mabilis ding maglakad ang matandang babae. Hindi humihinga si Fred nang magdaan sa harap niya ang matanda. Hindi siya napansin.
(Itutuloy)