May hiyas pa sa liblib (27)

MABILIS lang ang pangyayari. Nang hubad na ang babae ay inabot nito ang tuwalyang nakasabit sa sanga ng puno at mabilis na naibalot sa katawan, At pagkatapos ay mabilis na umalis bitbit ang mga basang damit. Mabilis din itong nawala sa makapal na damuhan.

Si Fred na halos hindi humihinga sa pinagtataguan ay nakadama ng pang­hihinayang. Napakabilis naman ng mga pangyayari. Hindi pa siya lubos na napagmamasdan ang babae ay tapos na ang pagbibihis. Iglap lang. Sayang!

Tumayo si Fred. Hinabol ng tingin ang babae pero hindi na niya nakita. Sayang talaga!

Nagbalik si Fred sa kanyang kubo na ang babae pa rin ang nasa isip, Halos mag-iisang taon na siya sa lugar na ito pero ngayon lang niya nakita ang babaing iyon. Hindi kaya bagong lipat dito sa Luningning ang babae? Posible. Kung datihan na rito ang babae ay hindi mangangahas na maligo sa sapa na ganun lang ang suot sa paliligo at tiwalang naghubad pa. Baka akala ng babae ay walang ibang nakatira sa lugar na ito. At naisip ni Fred, ilang beses na kayang naligo ang babae sa sapa? Kanina, napansin ni Fred nang maghubad ang babae ay kinuha niya ang tuwalya na nakasabit sa punong bayabas. Tila ba sanay na sanay na siya kung saan dadamputin ang tuwalya. Ibig sabihin, matagal nang naliligo ang babae sa sapa. Pero bakit ngayon lang natiyempuhan ni Fred.

Naging malikot ang imahinasyon ni Fred. Gusto niya uli makita ang babae. Gusto uli niyang mapagmasdan ito habang nali­ligo. Hindi na siguro siya kakabahan habang nakatago sa damuhan at sinisilip ang babae. Naitanong naman niya, araw-araw kayang naliligo sa sapa ang babae? Posible dahil ang mga babae ay malinis sa katawan. At sa tipo ng babae ay mukha itong malinis sa katawan. Sa tantiya ni Fred ay mga mahigit 20-anyos ang babae. At sa tingin niya ay wala pang asawa ang babae, Wala pang pingas sapagkat ang kurbada ng katawan ay kahanga-hanga pa. Wala pang makitang sobrang taba sa tagiliran. Birhen pa kaya? Ha-ha-ha! Masyado nang naging malawak at malikot ang imahinasyon ni Fred. Sabagay, lalaki siya at hindi pa naman gaanong katandaan, Malakas pa rin ang igkas ng pagkalalaki at hindi pa lumulungay sa laban, Kung ang babaing nakita niya ang makakaha­rap, sinisiguro ni Fred, na mapagtatagumpayan niyang palighayahin ito, Baka sobra pa sa ligayang inaa-sam ang maipagkaloob niya.

At pagkatapos palayain ang sarili ay si Fred na rin ang nagtawa sa sarili. Talaga nga sigurong ganoon ang iniisip ng mga katulad niyang matagal-tagal na ring walang nakakasiping, Kung anu-anong iniisip at naiimadyin pero hanggang doon lang.

Kinabukasan, nagulat si Fred nang bigla siyang dalawin ni Raul. Iyon ang unang pagkakataon na dinalaw siya ni Raul mula nang dalhan siya ng mga kagamitan sa bahay at gamit sa bukid.

Naisip ni Fred ano kaya at ikuwento niya kay Raul ang tungkol sa babaing nakita niya. Pero ano namang maitutulong ni Raul sa kanya ukol sa babae?

(Itutuloy)

Show comments