HINDI na nagtanong pa si Fred kung ano ang seryosong pinag-usapan ni Precy at ng kapatid nito at kung bakit gustung-gusto na niyang makaalis sa bahay. Siguro’y dahil sa napamahal na sa kanya si Precy kahit na maikli pa lang ang panahon na aming ipinagkikilala. Anuman ang problema nilang magkapatid ay hindi na iyon binigyang pansin pa ni Fred.
Mabilis ang mga pangyayari. Ikinasal sila ni Precy ng isang huwes sa Manila City Hall. May isang pares ng ninong at ninang. Naroon ang dalawang kapatid niya. Hindi nakarating ang kapatid na babae ni Fred dahil may lakad daw sa school na pinag-aaralan ng kanyang anak.
Nang matapos ang seremonya, kumain sila sa isang Chinese restaurant sa Binondo. Maraming putahe. Sobra-sobra sa kanila. Umorder ng beer. Panay agad ang tungga ng isang kapatid ni Precy na si Ricky. Si Ricky yung kapatid na kumausap kay Precy noong una siyang magtungo sa bahay ng mga ito sa Sta. Ana.
‘‘E di tatangayin mo na ang kapatid namin, Bayaw,’’ sabi ng kapatid ni Precy na si Ricky.
‘‘Tapos na yung ipinagagawa kong bahay, Bayaw at dapat nang matirahan dahil baka masira,’’ sagot naman ni Fred. Si Precy ay patuloy lang sa pagkain. Yung isang kapatid na lalaki — si Bino, ay patuloy din sa pagkain.
‘‘Mga ilang buwan ba ang bakasyon mo, Bayaw?’’
“Isang buwan lang. Pero maaari uli akong magbakasyon after one year.’’
“Tamang-tama pala.”
Hindi niya alam kung ano ‘yung tamang-tama na sinabi ni Ricky.
Pagkatapos ng kainan ay naghiwa-hiwalay na. Sila ni Precy ay sa bahay na dederetso.
“O sige Bayaw, ikaw na ang bahala sa kapatid namin. Dalawin n’yo naman kami sa Sta. Ana.”
“Oo bayaw. Sige sa Linggo ay pupunta kami. Mag-inuman tayo. May binili ako sa Duty Free na Blue Label.”
“Sige ha.”
Si Precy naman ng sulya- pan ni Fred ay tila wala sa mood.
Nagtaksi na sila patungo sa bagong bahay na pinagawa niya sa Camarin. Excited si Fred. Kanyang-kanya na si Precy.
Mangha si Precy nang makita ang bahay.
“Matagal na ba ‘to, Fred?”
“Mga tatlong buwan nang natatapos. Pina-renovate ko yung lumang bunggalo.”
“Nakatira rin dito ang asawa mong namatay?”
“Oo. Maliit pa ito nun.”
Unang gabi nila. Sabik na siya. Matagal na siyang bakante. Kaya masahol pa sa aso nang siya umatake.
Pero nabigo siya sa inaasahan. Hindi na birhen si Precy. May nakaraan na!
Napaangat si Fred nang umatungal ang Starlite na sinasakyan. Nasa Calapan Pier na sila. Tumayo siya para puntahan ang pick-up.
(Itutuloy)