May hiyas pa sa liblib (4)

NAGKITA sina Fred at Precy. Maganda sa personal si Precy. Mahinhing kumilos. Nakumpirma niya sa sarili na ito na nga ang babaing gusto niyang makasama sa buhay. Tama ang kasamahan niyang si Junior na magugustuhan niya si Precy kapag nakita.

Dinalaw niya ito sa bahay sa Sta. Ana. May dala siyang imported na chocolates. Wala nang mga magulang si Precy at ang dalawang kapatid na lalaki ang kasama sa bahay. Mababait naman ang mga kapatid. Mainit ang pagtanggap sa kanya.

Nagkaunawaan silang dalawa. Mabilis ang pangyayari. Nagkasundo na magpakasal na agad.

“Gusto ko bago bumalik sa Riyadh ay kasal na tayo, Precy.”

“Ikaw ang bahala, Fred.”

“Paano ka nga pala nakilala ni Junior na kasamahan ko.”

“Natira kami sa may Tejeros, Makati naging kapitbahay namin si Junior. Yung kapatid na babae ni Junior ay kaklase ko sa Makati High.”

“Ah kaya pala kilala ka.”

“Anong sabi ni Junior.”

“Maganda ka raw. Totoo pala.”

“Nagulat nga ako nang dumating ang sulat mo. Kasi matagal na kaming walang kontak ni Junior mula nang lumipat kami rito sa Sta. Ana. Ang huling pagkikita namin ay nung magkita-kita kaming magkakaklase at sa kanilang bahay ginawa ang kainan. Kinuha ang address ko. Iyon pala e ibibigay sa’yo…”

“Akala ko nga nagbibiro si Junior nang sabihin na meron siyang kaibigang babae. Binigay ang address mo. Sulatan daw kita. Hindi ko agad ginawa dahil wala naman akong hilig makipag-penpal. Pero nasumpungan ko ang sarili na gumagawa ng sulat para sa’yo…”

“Biyudo ka nga ba?”

“Oo. May isa akong anak. Hindi ko nabanggit sa’yo nang huli tayong mag-usap.”

“Ano pang sinabi sa’yo ni Junior?”

“Bukod sa maganda, mahinhin ka raw at mabait.”

“Wala nang iba?”

“Wala na.”

Napansin ni Fred ang paglapit ng isang kapatid ni Precy.

“Bayaw excuse ha. Me sasabihin lang ako kay utol.”

Tinawag na siyang bayaw.

Tumayo si Precy at su­­­mun­od sa kapatid na nagtungo sa kuwarto.

Maya-maya nagbalik din. Halatang may pinag-usapang seryoso dahil walang kaimik-imik si Precy.

Nang magsalita ay gusto nang maiyak.

“Gusto ko nang makaalis sa bahay na ito, Fred.”

(Itutuloy)

Show comments