“HINDI ako natatakot kay Rebo. Kapag inabutan tayo, hindi siya makakalapit sa’yo. Ako muna ang haharapin niya!”
Napatitig sa akin si Jesusa. Pakiwari ko, nawala lahat ang takot niya dahil sa aking sinabi.
“Hindi ako nagkamali sa’yo Per.”
Lalo lang lumakas ang loob ko sa sinabi ni Jesusa. Kahit siguro dalawa pang Rebo ay kaya kong sagupain.
Ipinagpatuloy ko ang pagpapatakbo. Hindi ko na alam kung nasaang lugar na kami pero siguro ay sakop pa ng San Pablo ang tinatakbuhan naming kalsada. Bagong aspalto ang kalsada. Makinis na makinis takbuhan.
“Nasundan kaya tayo, Per?”
Sumilip ako sa salamin. Wala akong nakitang kasunod. Maya-maya nang lingunin ko, isang dyipni ang nasa likuran ko. Puno ng pasahero.
“Wala ang sasakyan ni Rebo, Jesusa.”
“Nailigaw sana natin. Ituluy-tuloy na natin ang pagtakbo, Per. Bahala na kung saan tayo makarating.”
Pinabilis ko pa ang pagpapatakbo. Pasulyap-sul-yap ako sa likuran. Pawang pampasaherong dyipni ang natanaw ko.
Pa-zigzag ang kalsada. Bitukang manok. Parang nadaanan ko na ang kalsadang ito. Hindi ko matandaan kung kailan. Ang haba ng zigzag. Kailangang marahan ang takbo at baka mag-overshoot. Kapag nagkamali, ilog na pawang malalaking bato ang babagsakan. Tiyak na walang mabubuhay!
“Ano kayang lugar ito, Per?”
“Iniisip ko nga, Jesusa. Parang narating ko na ang lugar na ito.” Hanggang sa matapos ang “bitukang manok”. Ilang tila alun-along kalsada pa ang dinaanan naming hanggang sa mada-anan namin ang lumang sementeryo. Doon ko naalala. Nagcarlan ang bayan na ito. Dito kami nag-shoot para sa kober ng MATIKAS MAGASIN.
“Ito ang Nagcarlan, Jesusa. Me alam akong resort dito at puwede tayong mag-overnight. Hindi na tayo masusundan dito ni Rebo,”
“Puntahan natin ang resort, Per. Doon na tayo magtago.”
Madali naming nakita ang resort. Lalong gumanda. Mukhang marami nang kustomer.
Isang room ang inokupa namin.
“Sa isang kuwarto na tayo, Jesusa?”
“Oo naman. Hindi naman ako puwedeng mag-isa.”
“Paano kung…”
Tumingin nang makahulugan sa akin si Jesusa.
(Itutuloy)