“SASAKYAN ito ni Rebo!’’
Sabi ni Jesusa. Natatandaan din niya. Dahil siguro sa kulay.
‘‘Oo nga. Delikado, baka biglang lumabas sa restaurant ang mokong na yun e abutan tayo rito. Dali!”
Sumakay kami sa kotse ko. Pinaandar. Pinaatras. Inalis na ni Jesusa ang sumbrerong suot at ang bandanang itinabing sa mukha.
Eksaktong umiikot na kami ko palabas ng compound ng restaurant nang biglang lumabas si Rebo. Natanaw kami. Hindi tinted ang salamin ng kotse ko kaya madali siyang nakita ni Rebo. Kung bakit inalis agad ni Jesusa ang sombrero, nakilala agad siya.
“Nakita ako Per. Siguradong nakita ako!”
Hahabulin sigurado kami ng mokong na yun.
“Bilisan mo Per!”
Iyon talaga ang gagawin ko. Kahit na luma ang sasakyan ko, ilalaban ko nang hatawan sa mokong na yun.
“Ibalik mo sa pinanggalingan natin kanina, Per. Bumalik tayo ng San Pablo, dali!”
Sa halip na kumaliwa ako, patungo ng Maynila, kumanan ako. Dere-deretso. Itinodo ko ang tapak sa gas. Wala namang gaanong sasakyan. Mabilis pero maingat ang pagpapatakbo ko.
“Me nakikita ka bang kasunod natin, Per?”
“Wala!”
“Nakita niya ako. Sigurado akong nakita niya!”
“Baka naman akala mo lang, Jesusa. Baka naman hindi sa’yo nakatingin.”
“Hindi. Tinitigan pa ako.”
Itinodo ko pa ang bilis. Kung nakita man niya si Jesusa, hindi na niya magagawang makahabol. Malayo na kami.
“Bakit nakarating dito ang Rebo na yun?”
“Hindi ko alam, Per. Hindi ko sinasabi sa kanya ang bayan namin. Wala akong natatandaan na sinabi iyon sa kanya. Ang alam lang niya sa akin, e maysakit ang inay ko. Ang alam lang niyang tirahan ko ay ang nasa Novaliches.’’
‘‘Parang kabisado na niya ang restaurant na kinainan natin. Parang may sarili na siyang mesa roon.’’
‘‘Mahilig din kasing kumain ang hayup na yun. Ipinagyayabang sa akin na lahat daw ng mga kilalang restaurant ay napasok na niya.’’
‘‘Me pera nga siguro ano?’’
‘‘Siguro…”
Nagpabagal na ako ng takbo. At iyon ang pagkakamali ko. Nakita ko sa salamin ang paparating na sasakyan ni Rebo. Mabilis. Palagay ko nga, kami ang hinahabol. Nakilala nga si Jesusa kanina.
‘‘Nakita ka nga Jesusa at hinahabol tayo!’’
‘‘Diyos ko! Anong gagawin natin, Per. Tiyak na may baril na dala ‘yan.”
Pinabilis ko ang sasakyan. Nasa San Pablo na kami. Papasok na sa bayan. Natanaw ko na ang Simbahan. Kaila-ngang mailigaw namin si Rebo. Kailangang makahanap ako ng malulusutan.
Mabilis ang desisyon ko, isang maliit na eskinita sa may gilid ng simbahan ang pinasok ko. Lusot! Hanggang sa makita ko ang isang kalsada sa gawing kaliwa. Tinungo ko iyon. Si Jesusa ay walang imik. Nasa mukha ang matinding takot. Iniisip marahil ang mangyayari sakali at abutan kami ni Rebo.
‘‘Kung aabutan tayo ni Rebo, magpapaiwan ako at umalis ka na Per. Ako ang haharap sa kanya!’’
‘‘Hindi! Haharapin ko siya! Ngayon ko pa ba siya katatakutan?”
(Itutuloy)