Ang kapitbahay kong si Jesusa(58)
UMAGA. Paglabas ko ng kuwarto, ang una kong narinig ay ang pitik ng kumukulong mantika. May piniprito. Nang magtungo ako sa kusina, si Jesusa ang nasa harap ng kalan at nagpiprito ng itlog.
“Hi Per. Pinakialaman ko nang pagluluto. Para naman me pakinabang ako.”
“Okey lang. Ito naman kung magsalita para ang laki na ng tulong ko.”
“Malaki na talaga. Hindi ko alam kung kailan ako makakaganti.”
“Huwag mong problemahin yun. Basta tulungan kita sa abot ng aking makakaya.”
“Thanks.”
“Me hotdog pa diyan at saka tuyo, baka gusto mong magprito pa.”
“Type ko nga ang tuyo. Bagay sa sina-ngag.”
“Sige, magprito ka. Maliligo lang ako tapos kumain na tayo.”
“Magkape ka muna. Ipagtimpla kita ha?”
“Thanks.”
Ipinagtimpla ako. Masarap magtimpla. Tamang-tama ang lasa. Humahagod sa sikmura ang init.
Pumasok na ako sa banyo. Habang naliligo ay dinadalangin kong wala kaming out-of-town assignment ni Frankie. Ayaw kong iwanan nang nag-iisa si Jesusa rito. Baka makita siya ni Rebo ay kung ano ang gawin. May kutob akong hindi titigil si Rebo hangga’t hindi nakikipagbalikan si Jesusa. Sa mga ikinuwento ni Jesusa ukol sa ugali ni Rebo, malamang na maghuramentado na ito at maraming idadamay. Kung totoo ang sinabi ni Jesusa na gumagamit ng droga si Rebo, malamang nga na gumawa nang marahas na hakbang. Ang taong desperado ay gumagawa ng kung anumang biglang maisipan.
“Dito ka lang muna Jesusa. Taumbahay ka muna.”
“Oo. Ako munang bahala rito.”
“Tawagan mo lang ako sa opisina kapag may problema.”
“Balak kong linisin tong bahay mo para naman may pakinabang.”
“Huwag na, mapapagod ka lang.”
“Walis-walis lang.”
“Sige. Huwag kang magpapagod. Magpahinga ka lang.”
“Kung gusto mo naman, maglaba na lang ako.”
“Me tagalaba ako. Pumupunta ng Sabado. Don’t worry.”
“Okey. Magwalis na nga lang ako.”
“Huwag ka na munang pupunta sa bahay mo at baka matiyem-puhan ka ni Rebo. Delikadong tao yun.”
“Opo Boss.”
Dininig naman ang dalangin ko. Wala kaming out-of-town assignment ni Frankie. Baka next week daw. Wala pa raw bagong model.
Bandang alas tres ng hapon, nagulat ako nang biglang tumawag si Jesusa. Kung maaari raw ay umuwi agad ako. Me nangyari! Mabilis akong nagpaalam kay Frankie. Nakanganga si Frankie sa bigla kong pagpapaalam.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending