“NANG dumating ako sa restaurant na iyon sa Quezon Av naroon na ang bakla. Siya pa ang unang nakakita sa akin. Tinawag ako. Nawala ang kaba ko. Kasi’y sabi ng kasamahan ko sa department store, huwag daw akong basta magtiwala sa bakla. Baka raw ibubugaw lang ako. Marami raw modus ang bakla.
“Pero mabait pala si Monette. Totoo palang naghahanap ng model at indorser ang isang noontime show at ang mga tipo ko ang gustong kunin. Maganda raw ang mukha ko at katawan. Mahaba at maitim na maitim ang buhok. Medyo matangkad din. Nasa akin na raw ang mga kuwalipikasyon. Tinanong ako kung may siyota na. Umi-ling ako. Mabuti raw. Seloso raw kasi ang lalaking host at ayaw na may nagbabantay na siyota habang nasa show. Ang TV host daw ang may huling sey kung tatanggapin ang aplikante.
“Huling tanong ng bakla sa akin ay kung birhen pa ako. Sabi ko’y oo naman. Tinanong ko kung kasama pa sa kuwalipikasyon ang pagiging birhen. Nagtawa si Monette. Etching lang daw niya yun. Gusto lang daw niya akong pakabahin. Sabi ko naman ay matagal na akong kinakabahan. Gusto ko nang makapagtrabaho dahil maraming naghihintay na bibig sa probinsiya. Kung hindi ako magtatrabaho ay maraming magugutom.
“Dinala ako ni Monette sa TV station. Nakaharap ko ang producer at iba pang big boss ng programa. Ininterbyu. Pinagmasdan ang tindig. Nakaharap ko rin ang TV host. Pasado ako. Pito kaming napili. Tuwang-tuwa ako. Mas maganda ang trabaho kaysa naman sa department store na maghapong nakatayo. At malaki ang susuwelduhin ko. Bukod doon may mga benefits pa…”
“Paano mo nakilala si Rebo?” tanong ko.
“Assistant siya ng manager. Yun ang sabi niya. Pero nakikita ko ring nakikialam sa production. Maraming alam ang lokong ‘yun. Nang bagu-bago pa lamang ako ay pasulyap-sulyap sa akin. Hindi ko akalain na me balak pala sa akin.
“Nang minsang pa-labas na ako ng compound, pauwi na ako nun e me tumawag sa akin. Si Rebo. Saan daw ako umuuwi. Sabi ko sa Pasay. Sumabay na raw ako dahil pupunta siya ng Pasong Tamo, Makati. Urung-sulong ako. Kasi’y me nakikita na akong di-maganda sa karakas niya. Pero ayaw ko namang hiyain kaya, pumayag ako, Sumakay ako sa SUV niya…
“Siya ang nagsasalita nang nagsasalita habang tumatakbo ang sasak-yan. Tanong nang tanong. Saan daw ba ako unang nag-work. Saan daw ang province ko. Sino raw ang nagpasok sa akin sa trabahong iyon sa TV.”
(Itutuloy)