HINDI ko akalain na mangyayari ang ganoon. Ang mataray na si Jesusa o Jess pala ang makikiusap sa akin para tingnan o guwardiyahan ang bahay niya habang wala siya. Ibig sabihin, ako lang sa mga kapitbahay niya rito ang ka-vibes niya. Sa akin ipinagkatiwala ang susi ng bahay. Sa lahat ng tao, ako lang siguro sa tingin niya ang mapagkakatiwalaan, ha-ha-ha. Galing mo Perfecto boy.
Sa halip palang sisihin ko ang sanga ng mangga na bumagsak sa bakuran ni Jesusa, dapat ko pang pasalamatan. Dapat pala hindi ko sinunog ang sangang iyon at ginawang trophy, ha-ha-ha! Ang sanga pala ang magbibigay ng daan para magkakilala kami ni Jesusa.
Tuwing umaga, bago pumasok sa opisina ay pinasasadahan ko nang pasyal ang bahay ni Jesusa. Tinatanaw ko lang mula sa labas ang bahay kung may nagaganap na hindi maganda sa loob. Wala naman. Sarado ang pinto at ang mga bintana. Walang nagtatangkang pumasok. Napansin ko na mataas na ang mga damo sa bakuran. Yung mga tanim ni Jesusa ay nasapawan na ng mga damong ligaw. Tiyak bago dumating si Jesusa ay malalago at mataas na ang mga damo.
Tuwing umaga ay ganoon ang aking ginagawa. Sa gabi, bago ako matulog ay papasadahan ko uli. Mahirap nang malusutan. Malay ko baka sa gabi bumanat ang akyat-bahay at limasin ang mga gamit. Lagot ako kay Jesusa.
Kapag natiyak kong wala namang mga kahina-hinalang mga kilos o nangyayari sa bahay ay papasok na ako sa aking bahay at payapang matutulog.
Minsan, isang umaga. Katatapos ko lang pasadahan ng pasyal ang bahay ni Jesusa at papasok na ako sa gate ng aking bahay nang mapansin ko ang pagdating ng isang SUV. Dahan-dahan ang andar ng SUV na para bang may tinitiktikan. Tila ba mayroong huhulihin ang nakasakay sa SUV.
Pumasok ako sa gate at isinara iyon pero palihim akong sumilip sa pagitan ng mga rehas na bakal para malaman ang gagawin ng lalaki. Hindi eksaktong tumigil sa tapat ng bahay ni Jesusa ang SUV kundi sa malayu-layo pa. Nakita kong bumaba ang sakay. At hindi ako maaaring magkamali, ang bumaba ay ang lalaking dumalaw kay Jesusa noon. Siya yung lalaking nagpupumilit na makipagkasundo kay Jesusa. Siya yung muntik nang masaksak sa tiyan.
Pagkababa ng lalaki sa SUV ay hindi muna lumapit sa gate ng bahay ni Jesusa. Nakiramdam muna. Inoobserbahan marahil kung ano ang mga nangyayari sa paligid. Sinisiguro rin marahil na walang ibang tao sakali’t pumasok siya sa bahay. Walang kaalam-alam ang lalaki na walang tao sa bahay.
Saka nakita kong lumapit na sa gate ng bahay ni Jesusa ang lalaki. Kinatok ang gate. Nang mainis dahil walang nagbubukas o sumasagot ay dumampot ng bato ang lalaki at pinukol sa bahay. Narinig ko ang pagbagsak sa bubong. Binato pa uli. At isa pa. Tila ba desperado na ang lalaki. Tila gustong pumatay at mamatay.
Naisip ko, ano kaya at lumabas ako at sabihin sa lalaki na walang tao sa bahay na kanyang tinungo para tigilan na niya ang pambabato.
(Itutuloy)