“UMALIS ka na bago ako magsisigaw. Ang mga kapitbahay ko rito ay military at pulis. Isang sigaw ko lang may tutulong sa akin!” sabi ni Jesusa. Isang paraan para takutin ang lalaki sa anumang gagawin. Baka nga totoo na may kapitbahay siyang military at pulis.
“Sige sumigaw ka at maeeskandalo ka!” Sabi ng lalaki na tila desperado na.
“Umalis ka na! Ayaw ko na!”
Pero tila wala nang naririnig ang lalaki. Hindi natakot sa banta ni Jesusa.
Kumilos ito at niyakap si Jesusa. Nagpipiglas si Jesusa.
“Hayup ka!”
Nagpipiglas nang nagpipiglas si Jesusa hanggang makawala at nakatakbo sa gilid ng bahay. Nadampot ang pangdukal ng lupa na ginagamit kanina.
“Sige lumapit kang hayup ka!”
“Bitiwan mo ‘yan at mag-usap tayo. Alam ko, mahal mo pa rin ako.”
“Wala na akong pagmamahal sa’yo. Ayaw ko na! Sawang-sawa na ako!”
Humakbang ang lalaki palapit kay Jesusa. Sinaksak ni Jesusa. Nakailag ang lalaki. Hindi nagbibiro si Jesusa. Sinaksak ulit.
“Putang ina ka, bitiwan mo ‘yan!”
Pero sa halip na bitiwan ang matulis na pangdukal, isang sakyod pa ang ibinigay sa lalaki. Napaatras ang lalaki. Kung hindi napaatras, malamang wakwak ang tiyan ng lalaki. Hindi na natatakot si Jesusa. Talagang desidido nang tapusin ang lalaki.
Walang nagawa ang lalaki kundi umatras at nang wala nang magawa ay lumabas na ng gate pero nagbanta. “Babalikan kita!”
Nanginginig naman si Jesusa habang hawak pa ang matulis na pangdukal. Nang matiyak na wala na ang lalaki ay napaupo sa lupa. Hinang-hina. At saka tahimik na umiyak. Nayugyog ang mga balikat. Suminghot.
Wala naman akong ka-kilus-kilos habang pinagmamasdan si Jesusa. Maski ang paghinga ay pinipigil ko at baka maramdaman ni Jesusa.
Matagal-tagal din sa ganoong ayos na pagkaka-upo si Jesusa. Nang mahimasmasan, tumayo at pumasok na sa bahay.
Hinintay kong lumabas pero wala akong nakita. Naghintay pa ako ng ilang minuto. Wala. Ipinasya ko nang bumaba.
Lumalalim ang misteryo sa buhay ni Jesusa.
(Itutuloy)