Ang kapitbahay kong si Jesusa (16)

NAGIGING misteryosa na sa akin si Jesusa. Ang pagbagsak ng sanga ng mangga sa kanyang bakuran ay isang malaking palaisipan sa akin. Ngayon naman, biglang nawala sa paningin ko. Napakaimposible naman na ganoon kabilis siyang nakalayo gayung mabilis din naman akong nakababa ng mangga. Kahit pa meron siyang sinakyang taksi o kotse, makikita ko ang sasakyang papalayo.

Hindi kaya ang pangalan niya ay mysterious din? Baka inimbento lang niya iyon?

Magkaganoon man, kahit na super-misteryosa pa siya, tutuklasin ko ang mga lihim niya. Na-challenge na ako kay Jesusa at iyon ang gusto ko. Kapag nahamon ako, mas ginagahan akong tumuklas pa. Humanda ka Jesusa.

Pero bago ang pagtuklas kay Jesusa, nilamay ko muna ang mga drawing ko kay Exotic Mira. Tiyak pagpasok ko, iyon ang hahanapin sa akin ni Mr. Diegs. Kailangan, mai-present ko nang maganda at malinis.

Natapos ko agad ang mga iyon. Limang illustrations ang nagawa ko.

Bitbit ko na ang mga iyon nang pumasok. Maraming kuwento si Frankie sa model na si Mira. Bangag na bangag siya pagkagusto.

Ibang klase raw si Mira sa lahat ng model na kinunan niya. Pinakamagandang kunan ng anggulo. Nang makita raw ni Mr. Diegs ang mga kuha, pumapa-lakpak pati taynga sa katuwaan. Hindi raw nagkamali sa pagkakuha kay Mira. Nagustuhan daw ang shot na naghuhubad ng kamison habang nakakubli sa bato.

“Ipakita mo raw sa kanya ang mga ginawa mong art. Nasasabik na rin siya sa ginawa mo,” sabi ni Frankie.

“Eto dala ko na. Pagnakita niya ito, baka hindi na gamitin ang mga kuha mo Frankie Boy.”

“Yabang nito.”

Nagtawa na lang ako.

Nang dumating si Mr. Diegs, pinresenta ko ang mga artworks ko.

Hangang-hanga siya.

“Palagay ko mauubos ang Men’s Magasin na ito. Kauna-unahang Men’s Magazine in Filipino language. Okey ba bata?”

“Kailan ba Sir lalabas ang issue na iyan?”

“Next month na ito. Kaya inapura ko na kayo ni Frankie. Naka-typeset na ang mga artikulo. Yung kay Mira na lang ang tinatapos nung writer.”

“Bukod kay Mira, meron pa bang susunod na model, Bossing?”

“Oo naman. Nakapila na ang models. Pawang magaganda. Marami ngang nag-aaplay pa. Nagagandahan ka kay Mira, Per?”

“Hindi gaano Bossing. Parang nanlilimahid ang dating. Exotic nga.”

“Tama ka! Ganyang beauty ang hinahanap ngayon. Kita mo nga’t si Frankie e habang kinukunan e tinitigasan ‘yata. Sabi sa akin, talagang, malakas ang dating ni Mira.”

“Hindi gaano sa akin, Bossing.”

“Kung me kilala kang mo-del na puwede sa magasin natin, subukan natin.”

Naisip ko si Jesusa.

(Itutuloy)

Show comments