JESUSA pala ang name ng mataray kong kapitbahay. Mabuti at nalaman ko. Kung nagpatumpik-tumpik pa ako, baka hanggang ngayon ay wala akong nalaman sa babae.
Ibinagsak ko ang sanga ng mangga sa aking bakuran. Talagang hindi ko maisip na galing sa mangga ko ang sanga na ito. Natatandaan ko dalawang sanga ang pinutol ko at ang mga iyon ay naibaba ko bago ko pa nadiskubreng may babae sa kabilang bahay – si Jesusa nga. Sinuri ko ang sanga. Nakita kong bakli ang puno ng sanga. Yung dalawang inalis kong sanga ay tinaga ko. Itong bumagsak sa bakuran ni Jesusa ay bakli. Hindi nga galing sa mangga ko ito.
Ganoon man, hindi na ako magpoprotesta. Una, mabibisto na kapag nasa itaas ako ng mangga ay puwedeng manilip. Ikalawa, dahil sa sangang ito, nalaman ko ang pangalan niya. Mananahimik na lamang ako. Tuloy ang ligaya ko sa itaas ng punong mangga. At wala akong balak na putulin ang mangga. Sinabi ko lang para matahimik ang kalooban ni Jesusa. Alam ko, kaya nagalit ay dahil maraming tanim niya ang nasira. Siguro, kung sa ibang babae nangyari ang ganoon ay baka minura na ako o kaya ay ipina-barangay. Sa isang banda, mabait pa rin si Jesusa kahit na mataray.
Itinambak ko ang sanga sa gilid ng bahay. Misteryoso ang sangang ito.
Hindi ako napigil sa pag-akyat sa mangga nang sumunod na umaga. Kinakati ang mga paa ko para umakyat sa mangga. Gusto kong makakita ng bagong development sa aking kapitbahay na si Jesusa. Eksaktong alas siyete nang umakyat ako sa mangga. Baka suwertehin na naroon na si Jesusa at dinidilig ang mga tanim. O baka naliligo. O kahit na anong ginagawa basta makita ko lang.
Para akong pusa nakaakyat. Puwesto sa sanga at tumunghay sa kabilang bakuran. Wala si Jesusa. Tiningnan ko kung nasa loob pa siya ng bahay. Naroon pa. Buhay pa ang ilaw. Mali yata ang oras ng pag-akyat ko. Maaaring nakapagdilig na.
Naghintay ako. Malakas ang kutob ko na lalabas si Jesusa.
Makaraan ang 15 minuto, lumabas si Jesusa. Maayos ang suot nito. Maganda. Mabilis ang kilos. Sinusian ang main door. Nagtungo sa gate. Binuksan. Nang makalabas ay kinabig. Nawala sa paningin ko. Narinig ko ang pagsusi sa gate.
Nagmamadali akong bumaba sa mangga. Tinakbo ko ang aking gate para silipin kung saang direksiyon patungo sa Jesusa.
Pero nadismaya ako. Wala na agad. Nagtaksi kaya. O baka may naghihintay nang sasakyan at sinundo siya. Pero wala naman akong narinig na umalis na sasakyan.
(Itutuloy)