“NAKAKAHIYA kang kapatid!” sabi ng aming panganay. “Natiis mong hindi makita sina Tatay at Inay. Si Tatay, nagtiis ng hirap sa bukid para lamang may maipadala sa’yo pero masama pala ang ginagawa mo…
“Pilit ka naming hinanap sa Maynila pero walang makapagturo kung nasaan ka. Nalaman namin sa matandang may-ari ng boarding house na bigla kang umalis ng boarding house. Hindi alam kung bakit bigla kang umalis…
“Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa iyo pero malaki ang aming hinala na may masamang nangyari sa iyo. Nakikita namin sa itsura mo…”
Tinanggap ko ang mga sinabi ng aking kapatid. Kasalanan ko. Wala akong karapatang magpaliwanag.
“Hindi ka na namin matatanggap dito. Natiis mo rin lang kami, pangatawanan mo na. Ayaw na naming makita pa ang pagmumukha mo!”
Umiyak na lang ako. Iyon ang tangi kong magagawa.
Umalis na ako. Hindi ko alam kung saan magpapalipas ng gabi. Pero malakas ang aking paniwala na malalampasan ko ito.
Naglakad ako nang naglakad. Mayroon pa akong nadaanang mga tao na nagkukuwentuhan sa isang tindahan. Nang makalampas ako, narinig kong ako ang kanilang pinag-uusapan. Binilisan ko ang paglakad.
Hanggang sa makarating ako sa terminal. Tinanong ko ang mga taong naroon kung may biyahe pa. Wala na raw. Kaaalis lamang daw ng bus. Bukas na ng alas-kuwatro ng umaga ang biyahe.
Doon ko ipinasyang matulog. Wala naman sigurong magtatangka sa akin. Isa pa, kasama ko ang Diyos. Hindi Niya ako pababayaan. Hindi Niya pababayaan ang isang taong nagsisisi na sa mga nagawang kasalanan.
Nakatulog ako nang mahimbing. Nang magising ako, nakaparada na ang isang bus.
Buo na ang pasya ko, babalik ako sa Maynila para hanapin ang aking kapalaran. Naroon pa naman ang mga kaibigan kong si Aling Annie at Aling Delia.
(Itutuloy)