Ako ay Makasalanan (105)
ALAM na ng magkapatid na Annie at Delia ang buhay ko. Ipinagtapat ko noong nakaratay ako sa ospital. Kaya siguro ganoon na lamang ang pagpapaalala nila sa akin.
“Ayusin mo na sana ang buhay mo, Tess. Hindi pa naman huli. Sayang kung hindi mo pa sasamantalahin ang pagkakataon. Binigyan ka na ng Diyos ng isa pang pagkakataon at sana hindi ka na maligaw…”
Sinabi iyon sa akin ni Aling Annie habang nakaakbay sa akin. Itinuturing na nila akong nakababatang kapatid.
‘‘Lahat naman ay nagkakasala at siguro ay mapapatawad ka sa kabila ng lahat. Kung sa kabila ng paghingi mo ng tawad ay hindi ka pa rin nila tanggapin, bumalik ka rito at saka natin planuhin ang mga susunod na hakbang.’’
‘‘Salamat Aling Annie.’’
Ang kapatid na si Aling Delia ay may iniipit sa palad ko. Pera.
‘‘Pandagdag sa pamasahe mo. Alam ko malayo ang sa inyo. Sasakay ka pa ng barko ano?”
Tumango ako.
“Mag-ingat ka Tess at huwag nang magtitiwala sa mga hindi kilala lalo sa lalaki…” pahabol ni Aling Delia.
Niyakap niya ako at hinalikan. Ganundin si Aling Annie.
“Sige po…maraming salamat.”
Umalis na ako. Pero may nakalimutan pa palang ibigay si Aling Annie kaya nang nasa kalsada na ako ay bigla akong hinabol.
“Nakalimutan kong ibigay sa’yo, Tess!”
Iniabot sa akin ang nasa maliit na paper bag. Nang silipin ko kung ano ang laman — isang Bible.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad patungo sa sakayan ng dyipni. Habang nakasakay sa dyipni ay binabalikan ko ang lahat. Nire-rewind ang mga nangyari sa aking buhay. Nag-droga, nagloko sa pag-aaral, sumama sa kung sinu-sinong lalaki, nagpa-abort… Napakasama ko. Kaya siguro pinarusahan ako. Dinugo nang dinugo para maunawaan ang kasamaang ginagawa ko. Nangyari iyon dahil gusto pa akong pag- sisihin sa mga nagawang kasalanan. Hinayaan pa akong mabuhay. Sabi nga ni Aling Annie, himala ang pagkakabuhay ko sapagkat sobrang dami ng dugo ang nawala sa akin. Suspetsa ng doctor na gumamot sa akin, sa bahay pa lang kung saan ako nagpa-abort ay marami nang dugo ang nawala sa akin. Kaya pala ganoon na lamang ang panghihina ko. Para akong gulay na hindi ko maigalaw ang aking mga paa at kamay. At sobrang hapdi ng “kaselanan” ko. Naisip ko ang matandang si Aling Pacing. Muntik na pala niya akong mapatay!
Nakarating ako sa bus station. Tamang-tama ang dating ko dahil makalipas lamang ang kinse minutos ay umalis na ito.
Dinukot ko sa paper bag ang Bible na bigay ni Aling Annie at pinasadahan iyon ng basa.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending