HINDI ako iniwan nina Aling Annie at nang kapatid niyang may-ari ng bahay na tinitirahan ko. Inilabas ako pagkaraan ng isang linggo. Nasaid na ang pera ko na galing kay Mr. Dy. Para bang nag-ipon ako para may maipang-ospital. Doon lang napunta ang “pinagputahan” ko.
“Sige magpahinga ka lang at huwag mag-alala sa upa,” sabi ng may-ari ng bahay. “Pero ang payo ko, sana ay umuwi ka na sa probinsiya. Iyon ang pinakamabuti…”
Maski si Aling Annie ay ganoon din ang payo sa akin. Wala raw ibang makatutulong sa akin kundi ang sarili kong mga magulang.
“Siguro ay hinihintay ka nila lalo pa ang mga magulang mo,” Sabi ni Aling Annie. “Lahat naman ay nagkakamali.”
Ipinagtapat ko na sa magkapatid ang mga nangyari sa akin. Sila ay hindi makapaniwala sa mga ginawa ko. Iginagapang sa pag-aaral pero iba ang inatupag.
“Kawawa naman ang mga magulang mo,Tess. Sana ay pakinggan mo kami. Kung gusto mo, sasamahan ka namin pauwi sa inyo para magbigay ng suporta,” sabi ni Aling Annie.
“Pakinggan mo kami Tess,” sabing nakikiusap ng may-ari ng bahay.
Litung-lito ako. Ang takot at kahihiyan ay hindi mawala. Ano pa ang ihaharap ko sa mga magulang ko? Baka habang naglalakad ako patungo sa amin ay pinag-uusapan na ako. Baka pinagtitsismisan na ako. Baka kung anu-ano ang sinasabi sa akin.
“Sige magpagaling ka na lang nang ayos at saka tayo mag-usap nang masinsinan ha, Tess,” sabi ni Aling Annie. “Basta narito kami ni Delia na handang tumulong sa’yo.”
Napaiyak na lamang ako. Hindi ko alam ang gagawin sa mga sandaling iyon. Nagtatalo ang isip ko kung uuwi na sa probinsiya o magpatuloy na lamang sa pakikipagsapalaran sa Maynila.
Halos isang buwan din akong inaalagaan ng magkapatid na Annie at Delia. Sa ginawa nilang iyon sa akin napag-isip-isip kong dapat na nga akong umu-wi sa amin at tanggapin ang anumang sasabihin ng aking mga magulang at kapatid.
Isang araw ay nag-ayos na ako ng sarili. Inihanda ko na ang aking loob sa pagharap sa aking mga magulang. Sinabi ko sa magkapatid ang aking balak at tuwang-tuwa ang dalawa.
“Sasamahan ka pa namin?” tanong ni Aling Annie.
“Huwag na po. Kaya ko na.” (Itutuloy)