Ako ay makasalanan (102)
MANILA, Philippines - HINDI ko alam kung ga-ano katagal ginawa ni Aling Pacing ang walang kapatawarang kasalanan na iyon sa nasa aking sinapupunan. Basta nalaman ko na lamang na tapos na ang lahat. Para lang akong binunutan ng ngipin na namalayan ko na lamang na wala na pala. Nailagay na kung saan ang “dinukot” sa aking sinapupunan.
Nakadama ako ng panghihina. Parang hindi ko kakayaning bumangon at maski maupo sa gilid ng papag. Wala akong lakas. Ano itong nangyayari sa akin?
“Sige magpahinga ka muna. Eto, higupin mo muna ito at mamaya-maya lang puwede ka nang umuwi,” sabi ni Aling Pacing.
“Tapos na, Aling Pacing?”
“Oo. Maliit pa lang e.”
Sa unang pagkakataon ay nakadama ako ng kila-bot. Pakiramdam ko pa, may sumampal sa pisngi ko.
“Yung isa ngang nagpadukot sa akin, ang laki na, pero nakuha pa rin. Maraming nagpupunta rito e mga estudyante. Nadisgrasya ng boyfriend. Min-san me artista na nabuntis ng kaparehang artista. Meron din na asawa ng nasa Saudi…”
Naninindig ang aking balahibo. Hindi ko alam kung ano itong nangyayari sa akin. Tila giniginaw ako.
“Aling Pacing giniginaw ako…”
“Ganyan talaga ‘yan. Higupin mo itong sabaw at ma maya lang tanggal na ‘yan.”
Hinigop ko ang sabaw na nasa tasa. Napaso ako. Hindi ako mahilig sa sabaw pero naubos ko. Gusto kong mawala ang nararamdamang ginaw.
Umalis si Aling Pacing at nang magbalik ay may dalawang blanket.
“O ikumot mo muna.”
“Salamat po.”
“Sige magpahinga ka muna diyan. Wala pa siguro akong darating na kusto- mer ngayon dahil marami nang kalaban. Diyan sa me gilid ng simbahan ng Quiapo e andami nang kalaban…”
Inaantok ako pero narinig ko pa rin ang sinasabi ni Aling Pacing.
“Marami na akong kalaban pero akala nila susuko na ako. Nagkakamali sila.”
Hindi ko na mawawaan ang mga sinasabi ni Aling Pacing. Maski ang mukha niya ay blurred na. Antok na antok ako. Hinang-hina. Talang nasaid na ang lakas. Nahigop yata lahat ang dugo dahil sa ginawa ni Aling Pacing. (Itutuloy)
- Latest
- Trending