Ako ay Makasalanan (99)
GIMBAL ako sa sinabi ng matanda tungkol kay Cherry. Sabi ko na nga ba’t maaari siyang mapahamak sa pagtutulak ng damo. Pero ang alam ko, ang matandang ito na kaharap ko ang source niya. Minsan ko nang nakita na may iniabot ang matanda kay Cherry.
“Mabuti at umalis ka rito. Kung hindi ay baka pati ikaw napahamak,” sabi ng matanda na masu-si ang paghagod sa akin. “Saan ka ba nakatira?”
“Ha e diyan lang po sa may Lealtad. E alam n’yo po ba kung saan nakabilanggo si Cherry?”
“Naku hindi ko alam. At saka ako e ayaw ko nang nakikialam dyan. Delikado nang makipag-usap sa kanya at baka pati ako’y madamay.”
“Gusto ko po sanang dalawin.”
“Huwag mo nang dalawin at baka mapasama ka lamang.”
“Sige po aalis na ako.”
“Sige at me gagawin pa ako.”
Umalis na ako.
Nakaramdam ako ng gutom. Kagabi pa ako huling kumain. Nakakita ako ng karinderya malapit sa simbahan ng Loreto sa may Bustillos. Umorder ako ng kanin at isang ulam at saka softdrinks. Habang kumakain ay iniisip ko kung saan ako pupunta pagkatapos kong kumain. Meron pa naman akong pera. Maaaring tumagal pa ng isang linggo ang pera kong hawak. May nakatabi pa ako sa banko. Mabuti na lamang at naideposito ko ang perang binibigay ni Mr. Dy. Kung hindi ko naitabi iyon, baka sa bangketa ako matulog at magpapalimos para may makain.
Buo na ang pasya ko na huwag umuwi sa probinsiya. Wala akong mukhang ihaharap sa aking mga magulang pagkatapos ng mga nangyari.
Nagtanong ako sa babaing may-ari ng karinderya kung may alam na nagpapa-bed space.
“Ang kapatid ko meron. Diyan lang sa Sulucan. Halika at samahan kita.”
Nabuhayan ako ng loob. Ang ikinatatakot ko lang ay baka matunugan ni Mr. Dy na hindi ako pinatay ng dalawa niyang tauhan at ipahanap uli ako.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending