NATAPOS ang isa na namang ritwal namin ni Mr. Dy at katulad ng dati, binigyan ako ng pera. Walang kamalay-malay na nakuhanan ko na ang clutch bag.
“Ang dami naman nito, pero sabagay ma rami pa akong bibilhin,” sabi ko habang nagbibihis.
“Sige lang, bilhin mo lang ang gusto mo pero huwag kang titingin sa iba ha. Seloso ako. Ang akin e akin lang.”
Natigilan ako. Pero saglit lang at agad kong nilambutsing.
“Ikaw lang at wala nang iba, promise.”
“Good!”
Pagkabihis ay humakbang na palabas. Sumunod ako kahit may kabang naramdaman. Tumigil sa salas at dinampot sa ibabaw ng mesita ang clutch bag. Pagkatapos ay humakbang na hindi na inusisa ang laman. Tuluy-tuloy na lumabas at hindi na ako nilingon pa para magpaalam.
Okey lang sa akin kung hindi siya magpaalam. Wala akong paki. Ang mahalaga, marami akong pera. Isinara ko ang pinto. Nagbalik ako sa kuwarto at binuksan ang cabinet ng damit na pinagtaguan ko sa bundle ng pera. Hinanap ko sa pagitan ng damit. Nakuha ko. Tinimbang-timbang. Hindi ko alam kung magkano pero sapat ang dinulot sa aking kasiyahan. Puwede na kaming umalis ni Mon at magsarili. Maski yayain ko na siya sa sinasabi niyang Sablayan. Malaki nang puhunan ang perang ito. Hindi na siguro kami masusundan ni Mr. Dy doon. Hindi ko alam kung saan ang Sablayan pero sa himig ng salita ni Mon ay malayo. Siguro ay tawid-dagat.
Isinauli ko sa pagitan ng mga damit ang pera. Ipinailalim ko pa para walang makakita. Saka ko na lang ilalagay sa bag kapag pumayag na si Mon na aalis na kami.
Eksaktong isinasara ko ang cabinet ay nakarinig ako ng katok sa pinto. Sunud-sunod. Kinabahan ako. Baka bumalik si Mr. Dy! Baka natuklasan na kulang ng isang bundle ang pera niya sa clutch bag! Agad kong kinuha uli ang pera sa cabinet at inilagay sa aking handbag. Nagpantalon ako at t-shirt. Kung si Mr. Dy ang kumakatok at hahanapin sa akin ang pera, tatakas ako. Tatakbo ako. Walang puknat. Hindi ko ibibigay ang pera!
Hinigpitan ko ang hawak sa bag habang palapit sa pinto.
(Itutuloy)