NANG inaakala kong wala na si Prof ay nagmamadali rin akong lumabas ng unibersidad at nagtaxi na patungong Binondo. Hindi na ako magpapakita pa kay Prof. Maghintay siya sa wala. Gayunman, itinago ko pa rin ang calling card niya.
Hindi na ako papasok. Aanhin ko pa ang diploma e ito’t mayroon nang lalaking nagmamahal sa akin. Talagang nagpakita ng pagkaseryoso sa akin dahil ako na ang itinira sa ma garang unit. Mas may kinabukasan ako kay Mon kaysa sa estudyanteng si Bobby na nakauna sa akin. Wala akong mahihita sa kanya na kukulo-kulo rin ang tiyan. At saka hindi ko naman talaga siya gusto. Wala akong nadarama sa kanya. Nilasing pa ako para lang mapagsawaan. Hayop na ‘yun!
Si Prof naman ay katawan ko ang ang gusto at wala nang iba. Parausan lang. Kapag kinati ay saka ako hahanapin. Tarantadong matandang binata yun, akala yata at naipasa ako sa dalawang subjects niya e okey na okey ako na pagpasasaan niya. Akala yata, gusto ko na rin siya.
Si Mon lang talaga ang nakikita kong may plano para sa akin. Ibinahay na agad ako. At hindi basta bahay lang ang pinagdalhan sa akin. Kumpleto pa sa gamit. Me aircon, TV, ref at iba pa. Hindi na katulad ng dati kong tirahan sa Lardizabal na may maalinsangan, maraming bubuwit, ipis at kung anu-ano pa. At higit sa lahat, hindi na ako maaadik sa “damo” na itinutulak ni Cherry.
Narito na ako sa itinuturing kong paraiso sa Binondo. Wala si Mon nang dumating ako. Pumasok din siguro sa department store. Kahapon ay hindi siya pumasok at nakipag-meeting daw kay Mr. Dy. Talagang malakas kay Mr. Dy si Mon dahil ito raw unit na ito ay galing sa among Intsik. Siguro kahit na anong hilingin ni Mon kay Mr. Dy ay ibibigay nito.
Nahiga muna ako sa malambot na kama. Ang sarap ng pakiramdam habang tumatama sa katawan ko ang lamig na ibinubuga ng aircon. Nakatulog ako. Nang magising ako ay pasado alas tres ng hapon.
Noon ko naisipang buksan ang ref at nagulat ako nang makitang may karne at isda roon. Mayroon din namang bigas. Ipinasya kong magluto. Kung darating si Mon nang ma-aga, sabay kaming kakain. Gagampanan ko ang papel bilang asawa. Iyon naman talaga ang mangyayari sa ayaw ko at sa gusto.
Pero hatinggabi na nang dumating si Mon. Marami raw siyang ginawa sa opisina. Pinatawag pa siya ni Mr. Dy.
Humiling si Mon na magtalik kami. Wala akong magawa sa lalaking so-bra ang “pagkahilig”.
(Itutuloy)