MASARAP ang alak na inorder ni Mon. Tamang-tama ang hagod. Mas masarap kaysa alak ni Prof.
“Akala ko tatanggi kang uminom,” sabi ni Mon.
“Konti lang naman.”
“Saan ka unang nakainom?”
“Sa birthday party. Yung gin na me halong juice.”
“Ah oo. Masarap yun kaya lang masama ang tama. Sa umaga paggising, parang binibiyak ang ulo.”
Gusto kong sabihin na hindi lang ang ulo ko ang nabiyak nang unang makainom ng ginpiña — pati pagkababae ko, nabiyak din.
“Unti-unti lang ang pag-inom natin para marami pa tayong pagkuwentuhan. Huwag nating bilisan dahil hindi naman nagsasara ang restaurant na ito. Kahit umagahin tayo rito okey lang. Okey ba sa’yo Maritess?”
“Oo. Okey na okey,” sabi kong mariin. Gumagapang na ang masarap na alak sa katawan ko at pinasisigla na ang aking dugo. Pinatatabil na ang aking dila.
“Akala ko talaga hindi kita maisasama dito. Okey ka pala, Maritess.”
“Bakit mukha ba akong suplada o kaya’y mataray?”
“Unang tingin ko mataray ka. Kasi’y umuusok ang ilong mo nung magsumbong ka sa akin, nu’ng binosohan ka ng empleado namin.”
“Ah oo. Sino bang hindi uusok ang ilong e nakitaan ako.”
“Oo nga. Inunahan pa ako ng damuho.”
“Talagang galit ako nun baka akala mo.”
“Pero maganda ka pa rin kahit galit ka.”
“Kanina mo pa ako binobola.”
Nagtawa si Mon.
Pagkuwa’y sinalinan ang baso niya. Pagkatapos ay ang baso ko. Mababa sa kalahati.
“Konti-konti lang at baka tayo malasing,” sabi ni Mon.
“Masarap ‘tong alak na ito ano?”
“Yan ang paborito ng boss kong si Mr. Dy. Kapag kumakain kami rito, yan ang inoorder.”
“Parang walang pait ano?”
“Wala talaga. Suwabe.”
Wala ngang pait ang alak pero suwabe pala kung magpalasing. Dalawang shot lang ay umiikot na ang paligid ko. Ibang klase ang tama.
Hanggang sa wala na akong malaman pa. Wala na akong matandaan pa.
(Itutuloy)