Ako ay Makasalanan (17)

NAUBOS ko ang ikala­wang mug. Tama si Cherry sa si­mula lang mapait ang beer. Kapag tinablan na, balewala na. Pero ayoko na. Tama na    ang dalawa. Hindi ko na     kaya. Baka nga hindi na ako maka­tayo.

“Ano Maritess, okey ano?”

Tumango lamang ako. Umiikot na ang paligid ko. Sa paligid namin ay may­roon ding nag-iinuman. Na­aamoy ko ang usok ng sig­a­rilyo.

“Tayo na Cherry. Baka magsuka ako.”

“Ay wag kang susuka. Magagalit sa’yo ang weyter.”

“Gusto ko nang umuwi.”

“Ubusin ko lang itong nasa mug.”

“Alalayan mo ako, Che­rry. Baka masubsob ako.”

Nang maubos ni Cherry ang kanyang beer ay tina­wag na ang waiter para mag­bayad. Hinagilap ko ang aking bag at dumukot ng pera. Ina­bot ko kay Che­rry. Binayaran niya ang aming nakain at na­ inom. Nang tumingin ako sa paligid na­min ay nakita kong naka­tingin sa amin ni Cherry ang ibang ku­makain at umii­nom. Mas ma­ra­ mi ang la­laking naroon at umi­inom.

Nang ibigay ng waiter ang sukli ay umalis na kami ni Cherry. Nangangatog ang tu­hod ko nang humak­bang ako papalabas. Mun­tik pa akong mabangga sa silya ng dala­wang nag-iinu­man. Tiningnan ako ng da­la­wang lalaki. Ngu­misi. Ki­nindatan ako ng isa. Hindi ko inintindi ang pagkin­dat. Gago! Gusto kong sabi-hin sa lalaki. Si Cherry ay nasa likuran ko at balewala ang   mga nangyayari sa pali­gid.

Nakalabas kami sa piz­za house na iyon. Mainit ang si­ngaw sa labas. Ma­ngilan-ngilan ang mga tao sa baha­ging iyon ng Recto. Tiningnan ko ang oras sa aking relo. Pasado alas-nu­we­be na.

“Nahihilo ako, Cherry.”

“Relaks ka lang. Tata­wag ako ng taksi.”

“Baka mapasuka na ako Cherry.”

“Gaga, baka magkalat ka.”

Tumawid kami sa kabila para doon mag-abang ng taksi. Nangangatog ang tuhod ko. Umiikot ang pali­gid. Ganito   ba talaga ang lasing? Isang taksi ang na­kita kong papa­rating. Kina­wayan ni Cherry. Tumigil sa tapat namin.

Kinausap ni Cherry ang drayber. Nagkasundo. Su­ma­kay kami. Nahirapan akong sumakay. Halos ma­untog ako sa pagpasok sa loob ng taksi. Sumibad na ang taksi.

Saglit lang nasa Lar­di­za­bal na kami. Nahi­rapan akong umakyat pa­tungo sa aming ku­war­to. Nang maka­rating sa loob, ibinagsak ko na lang ang katawan sa kama. Hindi ko na alam ang su­munod pa. Wala na akong ma­tan­daan. Blackout.

Kinabukasan, masakit ang ulo ko. Hindi ako pu­ma­sok sa school. Kahit alam kong meron kaming exam.

(Itutuloy)

Show comments