Ako ay Makasalanan (17)
NAUBOS ko ang ikalawang mug. Tama si Cherry sa simula lang mapait ang beer. Kapag tinablan na, balewala na. Pero ayoko na. Tama na ang dalawa. Hindi ko na kaya. Baka nga hindi na ako makatayo.
“Ano Maritess, okey ano?”
Tumango lamang ako. Umiikot na ang paligid ko. Sa paligid namin ay mayroon ding nag-iinuman. Naaamoy ko ang usok ng sigarilyo.
“Tayo na Cherry. Baka magsuka ako.”
“Ay wag kang susuka. Magagalit sa’yo ang weyter.”
“Gusto ko nang umuwi.”
“Ubusin ko lang itong nasa mug.”
“Alalayan mo ako, Cherry. Baka masubsob ako.”
Nang maubos ni Cherry ang kanyang beer ay tinawag na ang waiter para magbayad. Hinagilap ko ang aking bag at dumukot ng pera. Inabot ko kay Cherry. Binayaran niya ang aming nakain at na inom. Nang tumingin ako sa paligid namin ay nakita kong nakatingin sa amin ni Cherry ang ibang kumakain at umiinom. Mas mara mi ang lalaking naroon at umiinom.
Nang ibigay ng waiter ang sukli ay umalis na kami ni Cherry. Nangangatog ang tuhod ko nang humakbang ako papalabas. Muntik pa akong mabangga sa silya ng dalawang nag-iinuman. Tiningnan ako ng dalawang lalaki. Ngumisi. Kinindatan ako ng isa. Hindi ko inintindi ang pagkindat. Gago! Gusto kong sabi-hin sa lalaki. Si Cherry ay nasa likuran ko at balewala ang mga nangyayari sa paligid.
Nakalabas kami sa pizza house na iyon. Mainit ang singaw sa labas. Mangilan-ngilan ang mga tao sa bahaging iyon ng Recto. Tiningnan ko ang oras sa aking relo. Pasado alas-nuwebe na.
“Nahihilo ako, Cherry.”
“Relaks ka lang. Tatawag ako ng taksi.”
“Baka mapasuka na ako Cherry.”
“Gaga, baka magkalat ka.”
Tumawid kami sa kabila para doon mag-abang ng taksi. Nangangatog ang tuhod ko. Umiikot ang paligid. Ganito ba talaga ang lasing? Isang taksi ang nakita kong paparating. Kinawayan ni Cherry. Tumigil sa tapat namin.
Kinausap ni Cherry ang drayber. Nagkasundo. Sumakay kami. Nahirapan akong sumakay. Halos mauntog ako sa pagpasok sa loob ng taksi. Sumibad na ang taksi.
Saglit lang nasa Lardizabal na kami. Nahirapan akong umakyat patungo sa aming kuwarto. Nang makarating sa loob, ibinagsak ko na lang ang katawan sa kama. Hindi ko na alam ang sumunod pa. Wala na akong matandaan. Blackout.
Kinabukasan, masakit ang ulo ko. Hindi ako pumasok sa school. Kahit alam kong meron kaming exam.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending