Black Pearl (98)

“ANDITO na rin lang tayo sa Mindoro e di pumunta na tayo sa Pinamalayan. Wala na namang problema sa akin,” sabi ni Rina. Ako naman ay naguguluhan sa kanyang bigla-biglang pag­kagusto na mapuntahan si Fernando. Pagkaraan ng 15 taon ay siya pa ngayon ang gustong makita si Fernando.

“Matatanda na tayo, este ikaw pala. Gusto ko rin na­mang makilala yung taong sabi mo ay matalik mong kaibigan. Sige na, Frankie.”

Masyadong mapilit si Rina. Talagang ganoon na lamang ang paghikayat sa akin. Pagbigyan ko na raw ang kahilingan niya.

“Sige na nga. Pero huwag tayon dumeretso kina Fernan­do ha?”

“E kanino tayo tutuloy?”

“May kaibigan akong   mag-asawang matanda sa Pinamalayan. Doon tayo tu­muloy. Pagdating doon saka na lang natin pag-isipan kung paano tayo pupunta kina Fernando.”

“Aba mas maganda. Ma­ba­bait ba ang mag-asawang kaibigan mo?”

“Oo. Mabait si Mang Nado at Aling Encar.”

“Okey alis na tayo.”

Nagpaalam na kami sa kaibigan ni Rina. Mahigit pang isang oras ang biyahe na- ming patungong Pinamalayan. Natatandaan ko, sabi ni Mang Nado ay summer kami magtungo sa Pinamalayan. At parang nagkataon dahil summer nga ngayon. Natatandaan ko, summer daw ang pista sa Pinamalayan.

“Sigurado ka, Frankie na nasa Pinamalayan pa ang mga kaibigan mong mag-asawa?” tanong ni Rina na parang enjoy na enjoy at pa­tungo na kami sa bayan ng aking kaibigang si Fernando.

“Oo naman. Bahay talaga nila yung nasa Malvar St. Mabait ang mag-asawa. Ang mga anak daw nila ay nasa Maynila at ang iba ay nasa abroad.”

“Kilala ka pa kaya. Matagal na rin yun di ba?”

“Fifteen years na ang na­kalilipas.”

“Buhay pa kaya ang mga kaibigan mo?”

“Buhay pa ang mga ‘yun. Palagay ko mahaba ang bu­hay ng mag-asawa.”

Habang papalapit kami sa Pinamalayan ay kung anu-ano ang nasa isip ko. Paano ako haharap kay Fernando at kay Melissa? Ano kayang mang­yayari? Kung ako lang ang ma­su­ sunod, ayoko nang ma­ka­harap si Fernando at si Melissa.

Alas-diyes ng umaga ay nasa Pinamalayan na kami. May mga banderitas na sa kalye. Malapit na nga ang pista.

Kabisado ko pa ang Mal­ var St. Malapit iyon sa Allied Bank.

Nakita ko ang punong mangga. Doon sa lilim ng pu­nong mangga madalas umu­po si Mang Nado.

Tama ang hula ko, naroon si Mang Nado. Itinigil ko ang kotse. Bumaba kami ni Rina. Nakilala niya agad ako.

“Frankie! Ikaw nga!” Kina­mayan ko ang matanda.

Ipinakilala ko si Rina. Ku­mustahan. Nadako agad ang usapan kay Fernando.

“Aba’y kailan lang nama­­tay ang asawa niya ah.”

(Itutuloy)

Show comments