Black pearl (87)

“ANONG ginawa sa lalaking manyakis?” tanong ko kay Raul.

“Pinakulong ni Sir Fer­nando. Mula noon e nag-ingat na sa pagkuha ng trabahador.”

Marami pang ikinuwento si Raul na nagpapakitang labis na labis ang pagma­mahalan nina Fernando at Melissa. Nagkamali ako sa iniisip na baka hindi maka­tagal si Melissa ay muling bu­migay at iwanan si Fer­nando. Hindi pala. Nasiya­han ako sa mga nalamang maganda sa aking kaibi­gang Fernando. Naibsan na ang mga katanungan ko sa sarili. Ang gusto ko lang makita ay ang dalawang bata na malakas ang kutob kong sa akin. Kapag nakita ko na iyon, siguro ay wala na akong ha­hangarin pa. 

“Raul, yung pakiusap ko lang sa’yo, ha. Yung retrato ng dalawang anak ni Sir Fer­nando mo.”

“Bukas ipadala ko sa’yo ang photo ng dalawang bata,” sabi ni Raul.

“Salamat.”

“Wala yun, Frankie.”

“Basta huwag mo na lang mababanggit sa kanila na nakilala mo ako ha, Raul.”

“Oo, Frankie. Makakaasa ka.”

Kinabukasan, nagpaalam na ako kay Mang Nado at Aling Encar. Nagtaka ang matanda.

“Akala ko sa isang raw ka pa aalis, Frank?”

“Ngayon na po, Mang Nado.”

“E paano ‘yung hinihingi mo sa pamangkin ko?”

“Ipadadala na lang daw po sa cell ko.”

“A, siya sige. Sana maka­bisita ka uli rito sa Pinamala­yan. Itaon mo nang summer o pista. Ang ganitong panahon kasi para masarap ang biyahe. Kalmado ang dagat.”

“Sige po, Mang Nado.

Inabutan ko pa ng P500 si Mang Nado. Ayaw sanang tanggapin pero pinilit ko. Sabi ko’y papasko ko sa kanila. Nagtawa.

Nasa van na ako at tuma­takbo na patungong Calapan City nang makita kong may dumating na message sa cell phone. Nang buksan ko, iyon na ang pangako sa akin ni Raul. Ang retrato ng dalawang anak nina Fernando at Me­lissa. Sabik akong pinagmas­dan ang dalawa. Ang ma­lagong kilay at mga mata, carbon copy ng mga kilay ko at mata. Hindi maikakaila. At bakit ganoon na lamang ang lukso ng dugo ko? Hindi ko alam nasa Cala­pan Pier na pala kami. Maski nang nasa loob na ako ng SuperCat na mag­ha­hatid sa amin sa Ba­tangas City ay ang retrato pa rin ng dalawang bata sa cell phone ang pinagkaka­abalahan ko.

Ipinaglihim ko kay Rina ang mga natuklasan ko. Ayaw ko nang malaman niya ang mga iyon. Tutal wala na rin naman akong in­teres pa kay Melissa. Na­si­siyahan lang ako sa nang­yari sa kaibigan kong si Fernando.

Ang hindi ko inaasahan ay ang text ni Fernando sa akin makaraan ang ilang buwan. Nahuhulaan ko na kung bakit niya nalaman ang number ko.

(Itutuloy)

Show comments