Black pearl (87)
“ANONG ginawa sa lalaking manyakis?” tanong ko kay Raul.
“Pinakulong ni Sir Fernando. Mula noon e nag-ingat na sa pagkuha ng trabahador.”
Marami pang ikinuwento si Raul na nagpapakitang labis na labis ang pagmamahalan nina Fernando at Melissa. Nagkamali ako sa iniisip na baka hindi makatagal si Melissa ay muling bumigay at iwanan si Fernando. Hindi pala. Nasiyahan ako sa mga nalamang maganda sa aking kaibigang Fernando. Naibsan na ang mga katanungan ko sa sarili. Ang gusto ko lang makita ay ang dalawang bata na malakas ang kutob kong sa akin. Kapag nakita ko na iyon, siguro ay wala na akong hahangarin pa.
“Raul, yung pakiusap ko lang sa’yo, ha. Yung retrato ng dalawang anak ni Sir Fernando mo.”
“Bukas ipadala ko sa’yo ang photo ng dalawang bata,” sabi ni Raul.
“Salamat.”
“Wala yun, Frankie.”
“Basta huwag mo na lang mababanggit sa kanila na nakilala mo ako ha, Raul.”
“Oo, Frankie. Makakaasa ka.”
Kinabukasan, nagpaalam na ako kay Mang Nado at Aling Encar. Nagtaka ang matanda.
“Akala ko sa isang raw ka pa aalis, Frank?”
“Ngayon na po, Mang Nado.”
“E paano ‘yung hinihingi mo sa pamangkin ko?”
“Ipadadala na lang daw po sa cell ko.”
“A, siya sige. Sana makabisita ka uli rito sa Pinamalayan. Itaon mo nang summer o pista. Ang ganitong panahon kasi para masarap ang biyahe. Kalmado ang dagat.”
“Sige po, Mang Nado.
Inabutan ko pa ng P500 si Mang Nado. Ayaw sanang tanggapin pero pinilit ko. Sabi ko’y papasko ko sa kanila. Nagtawa.
Nasa van na ako at tumatakbo na patungong Calapan City nang makita kong may dumating na message sa cell phone. Nang buksan ko, iyon na ang pangako sa akin ni Raul. Ang retrato ng dalawang anak nina Fernando at Melissa. Sabik akong pinagmasdan ang dalawa. Ang malagong kilay at mga mata, carbon copy ng mga kilay ko at mata. Hindi maikakaila. At bakit ganoon na lamang ang lukso ng dugo ko? Hindi ko alam nasa Calapan Pier na pala kami. Maski nang nasa loob na ako ng SuperCat na maghahatid sa amin sa Batangas City ay ang retrato pa rin ng dalawang bata sa cell phone ang pinagkakaabalahan ko.
Ipinaglihim ko kay Rina ang mga natuklasan ko. Ayaw ko nang malaman niya ang mga iyon. Tutal wala na rin naman akong interes pa kay Melissa. Nasisiyahan lang ako sa nangyari sa kaibigan kong si Fernando.
Ang hindi ko inaasahan ay ang text ni Fernando sa akin makaraan ang ilang buwan. Nahuhulaan ko na kung bakit niya nalaman ang number ko.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending