“YUN po kasing asawa ni Fernando, e naging nobya ko noong araw. Matagal na po ‘yon. Nabalitaan ko po na nag-asawa na nga raw pero hindi ako naniniwala. Nagbabakasakali po akong dalaga pa kaya ako narito sa Pinamalayan pero totoo pala ang balita…”
“Ah ganoon baga?”
Paniwalang-paniwala si Mang Nado sa nilubid kong buhangin.
“E ikaw ba ang naniniwalang magagawang manlalaki ng asawa ni Fernando?”
“Hindi po.”
“Sabagay hindi ko pa nakikita ang babaing iyon pero maganda raw sabi ng pamangkin ko at sexy. Hanggang ngayon daw kahit dalawa na ang anak e makurbada pa rin. Totoo bang maganda?”
“Noon po talagang maganda at mabait. Mapagkakatiwalaan pa.”
“Ganoon baga. E bakit kaya may tsismis na kumalat na nanlalaki raw at nahuli pa nga ni Fernando. Siguro e sinisiraan lang yung tao. Alam mo naman kapag sinusuwerte ang isang tao, marami ang naiinggit ano?
Maraming gustong humatak pababa.”
“Oo nga po.”
“E bakit naman hindi mo naging asawa yung babae, Frank?”
Iyon ang hindi ko napaghandaan. Pero mabilis din akong nakapag-isip.
“Meron din po kasi akong nobya pang isa noong panahong iyon.”
“A, matinik ka rin pala sa babae. Guwapo ka kasi. Magkatulad pala tayo,” sabi ni Mang Nado at inila-pit ang bibig sa taynga ko. “Marami rin akong tsik nung araw. Napikot lang ako niyang si Aling Encarmo,” sabi at nagtawa. Nagtawa rin ako. Masarap kakuwentuhan ang matanda. Inabot kami ng hatinggabi sa pagkukuwentuhan.
Kinabukasan, hindi ko inaasahan na dadalawin si Mang Nado ng pamangkin niya na nagtatrabaho sa lupain ni Fernando. Ipinakilala ako ni Mang Nado. Raul ang pangalan ng kanyang pamangkin. Mga 35 anyos marahil si Raul. Marami pa akong nalaman sa kanya tungkol kay Fernando at Melissa.
“Mabait si Sir Fernando at si Mam Melissa. Kung hindi dahil sa kanila e baka hindi ko mapag-aral sa Maynila ang anak ko.”
Sa kambal na anak nina Fernando at Melissa ako tumutok ng pagtata-nong.
“Ang gaganda ng dalawang bata. Meron akong kuha sa cell phone...”
Lalo akong hindi napakali sa sinabi ni Raul. Bakit lumulukso ang dugo ko?” (Itutuloy)